Lubos na nagpapasalamt si outgoing Governor at ngayo’y 2nd District Cong. Jose Chaves Alvarez matapos itong manumpa sa PGP Convention Center kanina sa harap ni Judge Angelo R. Arizala, at mga opisyal at taong bayan.
Ayon kay Cong. Alvarez, hindi umano naging madali ang pinagdaanan nito sa loob ng siyam (9) na taon na panunungkulan bilang ama ng lalawigan at nagpapasalamat ito sa mamamayang Palaweño sa walang-sawang suportang ibinibigay sa kanya at tiwala upang maglingkod muli bilang kinatawan at representante sa Kongreso.
“Ako’y lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga palaweño na muling nagbigay ng mandato at tiwala sa akin upang kayo ay paglingkuran bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Palawan sa Kongreso,” ani ni Alvarez.
“Tunay na hindi biro ang isang maging gobernador sa isang pinakamalaking probinsya sa bansa…bagaman sagana tayo sa kalikasan ang ating lalawigan ay napag-iwanan kung kaunlaran ang pag-uusapan,” patuloy pa nito.
Dagdag pa ni Alvarez, taas noo na ipinagmalaki nito ang kanyang mga naging proyekto at programa na napapakinabangan na ng mga Palaweño tulad ng mga ospital, water system, kalsada at mga tulay sa lalawigan ng Palawan at ito ay bunga umano ng maayos na paggamit ng pondo ng probinsya.
“Sa aking unang araw na panunungkulan bilang gobernador…hinarap natin ang pagsubok…mabigyang tugon ang mga naiwang obligasyon at utang ng nakaraang administrasyon…sa kabila nito ay nagpatuloy tayo ng ating adhikain at matiyak na hindi ito magiging hadlang sa maayos na paghahatid ng serbisyo para sa Palaweño,” ani ni Alvarez.
“Ang lahat ng mga proyekto na ating nagawa ay bunga ng maayos at tapat na paggamit ng pondo ng pamahalaan,” dagdag pa nito.
Samantala, umaasa naman si Cong. Jose Chaves Alvarez na ipagpapatuloy ni Gov. Victorino Dennis M. Socrates ang kanyang mga nasimulang programa at proyekto. “Ang aking administrasyon nakakasiguro ako na ito ay ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon sa ilalim ng liderato ni Governor-elect Victorino Dennis M. Socrates,” ani ni Alvarez.
Discussion about this post