Umaabot sa P1.2 bilyon ang halaga ng nakumpiskang mga shell ng taklobo sa isang isla sa Bayan na Roxas, ayon sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS).
Ayon sa PCSDS, nasabat ang mga fossilized giant clams o mas kilalang taklobo nang magsagawa ng joint operation ang kanilang grupo kahapon, Abril 16, sa Green Island, Brgy. Tumarbong, Roxas, kasama ang Philippine Coast Guard-Roxas, Bantay Dagat-Roxas, PNP Maritime Group 1 at Naval Intelligence and Security Group West-Naval Forces West.
Sa Post-Operation report na ibinahagi ng PCSDS Enforcement Section, nakasaad na pasado 10:00AM kahapon nang marating ng team ang Green Island port mula sa mainland Roxas.
Una umanong tinungo ng grupo ang tahanan ng residenteng si Wilson Abelita ngunit dahil walang tao silang nadatnan ay nagpasya silang galugarin ang isla sa anumang posible pang pangongolekta ng taklobo.
Dakong 10:32AM naman umano nang may makitang tambak na mga shell ng taklobo hindi kalayuan sa tahanan ng kanilang main subject na si Abelita. Nakatambak umano ito sa gilid ng isang bahay malapit sa baybayin ngunit itinanggi ng may-ari ng nasabing bahay na sa kanya iyon kundi pagmamay-ari ni Abelita.
Natagpuan din umano ng isang PCSD enforcer ang nakatumpok na giant clams sa tabi ng baybayin habang ang iba ay sa nasa ilalim ng dagat na tinatayang tumitimbang ng 150 tonelada na umano’y pagmamay-ari ni Rodolfo Rabesa na residente rin ng nasabing isla.
Bandang 1 pm naman umano ng araw pa ring iyon nang lumapit sa team ang isang miyembro ng Bantay Dagat-Roxas at sinabing nasa lugar ding iyon ang mga stockholder ng giant clam trade na sina Rey Cuyos, 54, residente ng Brgy. Mangingisda, Puerto Princesa; Julius Mollejon, 47, na residente ng Green Island, at Erwin Miagao, 40, na residente naman ng Brgy. San Pedro, Puerto Princesa.
Dinala naman ng PCSDS ang mga suspek para sa inquest proceedings at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9147 o ang “Wildlife Act” ukol sa iligal na pangongolekta at pagbebenta ng buhay-ilang.
Discussion about this post