Ang kapakanan ng mga kababaihan, mangingisda at magsasakang Palaweño ang naging pangunahing layunin ng pagbisita ni Senator Imee Marcos sa lungsod ng Puerto Princesa at bayan ng Narra sa lalawigan ng Palawan ngayong Linggo, Marso 19.
Binigyang pansin ng senadora ang gawing prayuridad ang pagpapaigting ng mga programang pang-agrikultura para sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, at patuloy silang suportahan upang matulongan silang mapaangat ang kanilang pamumuhay at gayundin ang aspeto ng agrikultura ng bansa.
Sa kanyang pagbisita sa lalawigan ay nauna na niyang ipinadala ang P3 milyong pisong ayuda para sa sa 600 na babaeng beneficiaries ng AICS (Assistance for Individuals in Crisis Situations) katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa Puerto Princesa at bayan ng Aborlan, gayundin ang P5 milyong tulong pinansyal para sa tinatayang 1,666 AICS beneficiaries sa Narra.
Ang mga benepesyaryo sa Puerto Princesa ay nakatanggap ng P5,000 kada isa, at P3,000 naman para sa mga taga Aborlan at Narra.
Bukod rito, ayon kay Marcos, ay naglaan din siya ng P5 milyong piso sa bawat fisherfolks ng Aborlan, P5 milyon din sa Narra at karagdagang P5 milyon para naman sa mga mangingisda sa lungsod ng Puerto Princesa.
“Nagpadala ako ng total P3 milyon sa araw na ito, P5,000 each sa ating 600 na female AICS beneficiaries, mayroon din sa Aborlan at karamihan sa Puerto Princesa, dinala ko dito si ASEC Kristine Evangelista ng Department of Agriculture (DA) dahil gusto ko tumulong sa ating mga fisherfolks at magbigay ng pangkabuhayan sa ating mga kababaihan. Magbibigay tayo ng P5 milyon para sa mga fisherfolks ng Aborlan at P5 milyon sa 1st phase sa Puerto Princesa gayundin sa Narra,” ani Marcos.
Dagdag pa nito, makakatanggap din ang bawat indibidwal na mangingisda ng P3,000 na fuel subsidy. Plano rin umano niyang ibalik ang nutri-bun sa KADIWA na naging patok na programang pang-nutrisyon para sa mga kabataan noong dekada ’70.
Nagkaroon din ng pag-uusap sa mga agriculture sector, partikular ang mga young farmers sa lalawigan. Layunin nito ay upang matugunan ang mga pangangailangan nila partikular na sa kanilang mga nabuong hanapbuhay sa pamamagitan ng iba’t-ibang produkto na iprinisenta sa tulong ng Department of Agriculture (DA).
Discussion about this post