Unti-unti nang binubuksan ang industriya ng turismo sa iba’t ibang munisipyo sa Lalawigan ng Palawan habang ang lungsod ng Puerto Princesa ay inaasahang magbubukas sa lokal na turista sa susunod na Martes, December 8.
Kahapon sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque, inihayag niya ang pagsuporta sa unti-unting pagbangon ng turismo sa Lalawigan ng Palawan.
“Naririto po tayo sa tinatawag na Last Frontier, ang Palawan, para suportahan ang unti-unting pagbubukas ng isla sa turismo. Nauna nang nagbukas ang Coron…El Nido at bukas na rin po ang San Vicente noong Lunes, December 1. At susundan pa ng ibang mga lugar dito [sa Lalawigan ng Palawan]. Ang syudad ng Puerto Princesa [ay] magbubukas po sa lokal na turismo beginning December 8. Mahalaga po ang papel ng turismo sa pagbibigay ng trabaho sa ating mamamayan at dahil dito narito [na] tayo sa puntong kailangan [nating] matutunan na mamuhay na nandiyan ang [Covid-19] virus. Tandaan lang natin na kailangan pa rin magmask, hugas at iwas,” pahayag ni Roque.
Inihayag naman ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez ang pagbubukas ng tourism industry sa ilang mga munisipyo kung saan turismo ang pangunahing hanapbuhay.
“Ang buong lalawigan [ng Palawan] ay mild lang [ang] COVID dito…. Ngayon, meron lang tayo sa malayong lugar sa Cagayancillo [na positibong kaso] ngunit iilan na lamang [ito]. So compare mo sa ibang mga lugar, yung Palawan di masyadong delikado. Kaya dahan-dahan na tayo nagbubukas upang matugunan na natin ang hanapbuhay dito [sa Lalawigan ng Palawan] ng mga kababayan namin na consisting of 36% ang services, which is tourism sa ekonomiya ng buong Palawan,” pahayag ni Alvarez.
Inilatag naman ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron ang mga plano ng City Government sa pagbubukas ng tourism industry, kung saan binigyang diin nito na dapat may sistema at package upang lahat ay makinabang sa pagbubukas ng turismo.
“In the opening of the tourism industry, ang tingin namin, it should be opened up by package. Hindi yung buong [Lungsod ng] Puerto Princesa kasi if we open up yung number 1 tourism destination ng Puerto Princesa, the Puerto Princesa underground River (PPUR), kailangan lahat ng factors involved sa package na yun eh dapat nag-open din like yung mga van rentals, pumpboat service, yung mga tour agencies, tour guide, hotels, restaurants… kasi kung isa dyan ay kulang hindi rin talaga uusad ang ating tourism,” pahayag ni Bayron.
Dagdag pa ni Mayor Bayron, pagbabasehan din umano nila ang magiging takbo ng turismo sa Underground River kapag nabuksan na ito sa December 8.
“By December 8, target na i-open yung Underground River package for local tourism and then titingnan natin, evaluate namin kung anong nangyari and baka kailangan nang fine-tuning o kung ano pang kailangan. And the susunod naman yung sa Honda Bay, yung second major destination, siguro once na ma-open namin yung dalawang yan [ang Underground River at Honda Bay] at saka maganda na ang takbo ng trading and services dito sa Puerto Princesa, maybe we can already accept visitors coming from outside the City [of Puerto Princesa],” dagdag pa ni Bayron.
Samantala, sa isinagawang survey ng i-Options Ventures Corp. noong Nov. 5-13, 2020, lumalabas na 54% ng participants ang hindi pabor sa pagbubukas ng Lalawigan ng Palawan para sa mga domestic tourists. Habang 65% naman sa mga ito ang hindi pumapayag sa pagpasok ng mga banyagang turista.
Discussion about this post