Di maitatatwang isang importaneng bahagi na ng kultura at pananampalatayang Pilipino sa tuwing sumasapit ang panahon ng Undas ang pag-aalay ng mga dalangin para sa mga mahal sa buhay na namayapa na.
“Ito ay isang napakagandang—hindi lang kaugalian, kundi ito ay napakagandang pagpapahayag ng ating pananampalataya na tayo ay nakatutulong din doon sa mga kaluluwang nangangailangan din ng ating mga dasal kaya ang ating mga pagpapamisang ‘yan ay [makatutulong upang] matulungan ang mga kaluluwa upang lubusan na nilang makapiling ang ating Panginoon,” pahayag ni Rev. Fr. Buddy Saturnino, chancellor, Immaculada Concepcion Parish.
Sa di paglimot sa mga yumaong mahal sa buhay o kaanak, nagpapakita lamang umano ito na lubos na pinahahalagahan ng mga Pilipino ang kani-kanilang pamilya at mga kamag-anak.
“Basically, family-oriented talaga tayo at ang ating pagiging tao talaga na nagsasabi na tayo ay magkakapatid, na tayo talaga ay magkakaugnay-ugnay at iyan ay nakaugat naman talaga sa ating pananampalataya,” aniya.
Ayon sa Parochial Vicar ng Immaculate Concepcion Parish ng Lungsod ng Puerto Princesa, inaalaala ng taumbayan ang mga santo, kilala man o hindi sa pagdiriwang ng Araw ng lahat ng mga Banal o All Saints’ Day tuwing Nobyembre 1.
“Yung pagpaparangal natin sa mga banal, pagpaparangal talaga natin sa Diyos ‘yan kasi ang Diyos naman ang pinagmumulan ng kabanalan….So, hindi ito limitado sa ating mga kilalang santo at santa…kundi lahat ng mga namatay na nasa grasya ng Diyos at naroon na sa piling ng Panginoon. ‘Yun ang ating inaalaala kasi ‘yun din naman ang ating dapat na patutunguhan [sa hinaharap],” wika niya.
Gayundin, inaalayan ng dalangin ang lahat ng mga yumao kasabay ng pagdiriwang ng All Souls’ Day tuwing ika-2 ng Nobyembre ng bawat taon.
“Lahat ng mga namatay sa buong mundo, ipinagdadasal natin dahil ang ating paniniwala rin…na tayo ay nakatutulong sa kanila sa [pamamagitan ng] ating mga [ginagawang] pagdarasal,” ani Fr. Saturnino.
Sa doktrina aniya ng Simbahan, ilan sa mga batayan ay sa Aklat ng Macabeo kung saan nakatala roon kung papaanong nagkaroon ng pagsisikap na mapag-alayan ng mga panalangin ang mga yumao.
“Kaya itong taunang pagdiriwang ng ating Simbahan ang Araw ng lahat ng mga Banal at lahat ng mga yumao natin… ay nakaugat sa ating pananampalataya at ang pinakasentro lang naman ay ang ating ugnayan sa bawat isa na hindi tayo napaghihiwalay [maging] ng kamatayan,” aniya.
FAMILY BONDING
Sa pagsasama-sama ng magpapamilya at magkakamag-anak tuwing sumasapit ang undas, tinuran ng chancellor ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa na maganda ang ganoong kaugalian.
“Naroon man sila sa kabilang-buhay, nananatiling sila ay ating kapamilya, nasa puso pa rin natin. Kaya kahit ‘yung mga namatay ng 50 years na, 100 na, hangga’t may buhay na kamag-anak, inaalaala pa rin sila. Eh! Minsan tinatanong nila ‘Bakit n’yo ipinagdarasal pa ‘yan, 100 na, nandoon na sa langit? [At ang sagot nila] ‘May masama bang alalahanin ‘yung kaluluwang nasa langit?” aniya.
MGA KAUGALIAN TUWING UNDAS
Kwento ni Fr. Saturnino, nang minsan umanong may nagpamisahan sa kanya sa Loyola Cemetery para sa paglilipat ng buto ng isang yumao mula sa 20 taong pagkakahimlay sa City Cemetery ay tinanong niya ang pamilya kung bakit kailangan pang gawin iyon. Tugon umano sa kanya ay nais lamang ng mga anak na ibahagi sa kanilang yumaong mahal sa buhay kung anumang naabot nila sa kasalukuyan.
Gaya rin ng paghahain ng mga pagkain, mga bulaklak, alak, at maging ng sigarilyo, sa kanya umanong mga pagtatanong ay batid ng mga mamamayan na kahit mag-alay man nito sa puntod o altar ay hindi na ito makakain ng mga yumao ngunit patuloy pa rin nilang ginagawa bilang tanda ng pagpapahayag na hindi nila nalilimot ang pumanay na mga mahal sa buhay.
Samantala, sa mga nagnanais namang magpamisa bukas, Nobyembre 1 at sa Nobyembre 2 ay tumungo lamang sa kani-kanilang mga parokya o sa Immaculate Concepcion Parish (ICP) sa Taft St., lungsod ng Puerto Princesa.
Ang paraan ng pagpapamisa ay: isulat ang pangalan ng kaluluwa, oras, lugar ar pangalan ng nagpamisa sa papel na nasa loob ng sobre habang sa bandang kanang itaas naman ng sobre ang halaga ng pamisa.
Narito ang iskedyul para sa pamisa:
Nobyembre 1 (All Saint’s Day)
Cathedral-6:00 AM, 7: 00 AM, 5:00 PM
Catholic Cemetery-8:00 AM, 9:30 AM, 3:00 PM, 5:00 PM
City Cemetery-8:00 AM, 10:00 AM, 3:00 PM, 4:30 PM, 6:00 PM
New Site Cemetery-9:00 AM, 10:30 AM, 3:00 PM, 5:00 PM
Loyola Cemetery-8:00 AM, 2:00 PM
Nobyembre 2 (All Soul’s Day)
Cathedral-6:00 AM, 7: 00 AM, 5:30pm
Catholic Cemetery-9:00 AM
City Cemetery-9:00 AM, 11:00 AM, 4:00PM
New Site Cemetery-10:00 AM
Discussion about this post