Mas pinaigting ngayon ng Brgy. Rio Tuba sa bayan ng Bataraza ang pagpapatupad ng health and safety protocols matapos na isailalim ang barangay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Lunes, May 17, 2021 sa bisa ng Executive Order No. 5, Series of 2021.
Kaugnay nito, itinakda ang curfew mula 8:00PM-5:00AM. Ang mga tindahan, palengke at iba pang kahalintulad na establisyemento ay magbubukas lamang simula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Ipinatutupad din ang liquor ban kung saan ipinagbabawal ang pagtitinda, pagbili at pag-inom ng alak. Bawal din ang anunmang uri ng pagtitipon.
Ipinagbabawal din sa mga tricycle driver na mag-sakay ng higit sa isang pasahero. Bawal din ang angkas sa mga motorsiklo.
Maghigpit ding ipinagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga 18 gulang pababa at ng 65 gulang pataas.
Pinaalalahanan din ng pamahalaan ng Rio Tuba ang kanilang mga residente na huwag kalimutan ang health and safety protocols tuwing lalalabas ng kanilang tahanan tulad ng social distancing, pagsusuot ng facemask at faceshield.
Magtatagal ang ECQ sa kanilang barangay hanggang sa ika-31 ng Mayo.
Matatandaang sa isinagawang Rapid Antigen Test (RAT) ng Municipal Health Office (MHO) sa Bataraza, karamihan sa mga nagpositibo o mga probable case ay mga nagta-trabaho umano sa Rio Tuba.
Samantala, sa huling datos ng Emergency Operations Center (EOC) ng Palawan, 61 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa munisipyo ng Bataraza habang sa kabuuan ay mayroon nang 94 confirmed case simula noong nagka-pandemya, 32 ang recoveries at 1 ang namatay.
Discussion about this post