Sa lalong madaling panahon, ninanais ni Palawan 3rd District Cong. Edward S. Hagedorn na maideklarang protected area ang Kalayaan Islands ng West Philippine Sea.
Ito ay matapos ang ginawang pakikipagpulong ng mambabatas kina environmental lawyer Atty. Antonio Oposa, Jr. at Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz kamakailan.
Sa ginanap na pulong at konsultasyon, nilalayon na ngayon ni Hagedorn na magpasa ng isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso magdedeklara bilang protected area ang Kalayaan Islands Group.
Sinabi ni Hagedorn na sisikapin niyang isulong ang panukala sa darating na buwan ng Nobyembre upang mabilis na matalakay at maaprubahan.
Bukod dito, nakatakdang magpasa ng petisyon ngayong ika- 24 ng Oktubre ang grupo nina Atty. Oposa sa United Nations para maideklara bilang Asian Marine Peace park ang West Philippine Sea.
Kaisa ni Hagedorn sa layuning patuloy na maprotekyunan ang yaman at mamamayan sa West Philippine Sea si Senador Cynthia Villar na nagpahayag din ng kanyang suporta para sa mabilisang aksyon at pagsang-ayon ng dalawang kapulungan hinggil sa mga panukalang may kinalaman sa West Philippine Sea.
Napag-alaman din na magiging katuwang ni Hagedorn sa layuning madeklara bilang protected area ang Kalayaan Islands ng West Philippine Sea si Senior Associate Justice Antonio Carpio, bantog na abugado hinggil sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa ipinaglalabang WPS.
Bilang pangwakas, nagpahayag naman ng kanyang damdamin ang legal counsel ni Congressman Edward S. Hagedorn na si Atty. Vincent Cesista, “Si Justice Antonio Carpio po, staunch advocate yan ng karapatan natin sa West Philippine Sea. Siya po mismo ang tumutulong sa atin at may direct line po sila ni Congressman. Kaya po rest assured yung ginagawa po natin hindi ito padalus-dalos. Pinag-iisipan po natin ng maayos. Dahil once nai-declare mo as protected area magkakaroon po tayo ng management board diyan. Siyempre hindi pwedeng pasukin agad at meron po tayong management plan kung paano pangangalagaan.”
Malaki naman ang pahayag ni Cong. Hagedorn na bibigyang respeto ng bansang China ang panukalang batas na kanyang isusulong.
Aminado ang mambabatas na lilikha ng ingay ang usaping na masusukat kung sinong mga mambabatas ang totoong makabayan sa pinag aagawang teritoryo at naniniwala rin ang kongresista na mas lalong mapalalakas ang claim ng bansang Pilipinas dahil napagkasunduan na ito na isulong hanggang sa maideklara bilang protected area.
“Tingin ko irerespeto nila yan kasi kagaya ng pagrespeto nila nung naglagay tayo ng munisipyo doon sa Kalayaan. Dahil formalized yung ating claim by establishing government sa area na yun, hindi nila pinapakialaman kaya sinasabi ko ang pinaka-importante ang isa sa pinakamalakas na ‘proof of ownership yung possession of the land’, eh tayo ang nakapuwesto doon hindi tayo magalaw ng China, ginawa na lang nila nag-structure nalang sila ng sarili nila. Tayo naman ang hindi makagalaw kasi nauna sila, nandoon na sila,” ayon kay Hagedorn.
Buo naman ang paniniwala ni Congressman Hagedorn na susuportahan siya ng buong Kongreso hanggang sa Senado hinggil sa kanyang layunin sa naturang panukala.
Discussion about this post