Matagumpay na naidaos ang kauna- unahang State of the Province Address (SOPA) ni Palawan Governor Atty. Victorino M. Socrates. Puno ng mga panauhin ang bulwagan ng lehislaturang lokal ng Palawan na kinabibilangan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga alkalde ng iba’t ibang bayan, mga kongresista mula sa tatlong distrito ng Palawan, kinatawan ng iba’t ibang sektor, department heads/program manager’s ng iba’t ibang tanggapan, mga lokal na mamamahayag gayundin ang pamilya ng gobernadora.
Ilan sa mga highlights na tinalakay ng Gobernador sa kanyang binigkas na talumpati ay ang 2023 Budget, mga proyekto at planong naisakatuparan at gagawin pa lang.
Narito ang ilan sa kanyang mga binigkas:
“Ayon sa Section 318 ng Local Government Code, The Local Chief Executive shall submit the budget to the Sanggunian not later than the sixteenth of October… Failure to submit such budget on the date prescribed shall subject the local chief executive to such criminal and administrative penalties as provided by for under this Code and other applicable laws. May parusa nga pala kung hindi naisumite bago lumampas ang ika-16 ng Oktubre.
Sa ilalim ng Saligang Batas, may karapatang makibahagi ang mga LGU sa mga buwis na koleksyon ng pamahalaang nasyonal, at dahil dito, sa ilalim ng local government code, binibigyan ang mga LGU ng 40% ng internal revenue taxes. Hati-hati ang lahat ng LGUs dito.
Sa kabilang dako, dahil sa petisyon nina Congressman Mandanas at Congressman Garcia, sinabi ng Korte Supremang sa halip na mula lamang sa internal revenue taxes ng pamahalaang nasyonal, dapat kwentahin ang apatnapung porsyentong ito mula sa lahat ng koleksyon ng buwis ng pamahalaang nasyonal, sa madaling salita, dapat ay lumaki ang 40% na pupunta sa mga lokal na pamahalaan.
Napag-alaman na naging malaki ang naging bahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan mula sa pamahalaang nasyonal noong nakaraang taon, mula sa 3.1 billion pesos, ito ay naging 4.3 billion pesos.
Bilang karagdagan, sinabi pa ni Gobernador Socrates; …” ang ating national tax allocation (NTA) mula sa pamahalaang nasyonal nitong budget year 2022, ay siyang dating tinatawag na internal revenue allotment (IRA): Bahagi ito ng 40% ng mga LGU mula sa mga buwis na koleksyon ng pamahalaang nasyonal sa ikatlong taon bago sumapit ang 2022 (ibig sabihin, koleksyon ng pamahalaang nasyonal noong 2019).”
Para kay Socrates, marapat sanang lumaki pa ang national tax allocation ngayong 2023, isasaalang-alang ang lumalagong pambansang ekonomiya kada taon. Gayunpaman, dahil sa pandemya at pagliit o pag-atras ng pambansang ekonomiya noong 2020, ang national tax allocation para sa budget year 2023 ay 3.7 billion lamang, mula sa 4.3 billion pesos ng 2022.
Napag-alaman na nabawasan ang kabuuang halaga ng humigit-kumulang anim na raang milyong piso para sa 2023.
Ayon sa Gobernador… “Kaya po kung ang kabuuan ng budget ng ating Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa taong 2022 ay 4.8 billion pesos, ang budget natin sa 2023 ay 4.29billion-
pesos lamang.”
Ipinabatid din ni Socrates na ang 2022 budget ang kasalukuyang ginagamit ngayon, ngunit ang natitira na lamang para sa huling tatlong buwan ng taon o last quarter, upang maipagpatuloy ng pamahalaang palalawigan ang gawain nito kasama na ang mga hindi maaaring ihintong programa, proyekto at pagkilos ay ang mga sumusunod; pagpasahod sa ating mga kawani, pagbigay ng ayuda sa mga nangangailangan, pagpaplano at pagsasanay para sa hinaharap, pagpapatakbo sa mga ospital, pagpapatapos sa mga proyektong pang-imprastraktura, at marami pang iba’t-ibang gawaing bumubuo ng karaniwang araw ng pamahalaang panlalawigan.
Nagpapasalamat naman si Gob. sa nakaraang JCA Administration at sa pakikipagtulungan ng Department of Health.
“Batid ko na halos lahat ng ating department heads at ang mayorya ng Sangguniang Panlalawigan, kasama ang inyong abang lingkod ay bahagi ng nakaraang administrasyon—mayroon tayo ngayong labing-anim na mga ospital: ang apat dito ay gumagana na bilang ospital, bagamat ang labindalawa ay kulang pa sa mga medical personnel at kagamitan, na siya namang hamon sa kasalukuyang administrasyon ng pamahalaang panlalawigan. Kasali tayong lahat dito.”
Samantala, kasalukuyang mayroong animnapu o mahigit pang water-supply projects ng JCA Administration, mayroong pinatatakbong anim na malawakang water-supply system ang pamahalaang panlalawigan sa ilang mga bayan, dahil ang provincial government ang nagmamay-ari at nangutang ng pantustos.
Bukod pa sa karamihan naman ay pinatatakbo na ng mga lokal na pamahalaan bilang nagmamay-ari.
Maliban sa mga nabanggit mayroon pang “on- going” na water-supply projects, na kung saan ang pamahalaang panlalawigan ang nagpapagawa bagama’t munisipyo ang magmamay-ari kapag natapos na ang konstruksyon dahil na rin ang mga local na pamahalaan ang siyang nangutang ng pantustos.
Narito ang naging pahayag ng Gobernador Socrates hinggil sa nabanggit, “ayon din sa impormasyong nagmula sa ating Provincial Engineering Office, mayroon tayong humigit-kumulang sa dalawandaang proyektong imprastraktura: paggawa ng kalsada at kung anu-anong mga gusali sa iba’t-ibang munisipyo ng lalawigan, na nasa iba-ibang baitang ng pagkakakumpleto. Para sa kaalaman nating lahat, mahigit isanlibong kilometro ang kabuuan ng provincial roads, na kailangang ma-mantina nang maayos, at tinututukan naman ng Provincial Engineering Office. Hindi po ito ang angkop na forum upang isa-isahin ang lahat ng mga proyekto ng PGP. Nais ko lang ibahagi sa sambayanan ang kalakhan ng tanawin ng gawain ng pamahalaang panlalawigan.”
Samantala, binigyang diin din ni Socrates ang kalalagayan ng panukalang 2023 annual budget ng Palawan, na ngayon ay nasa konseho na ng Sangguniang Panglalawigan upang isa-isahing talakayin at isailalim sa masusing deliberasyon bago ang kabuuang pagpapasa.
Narito pa rin ang ilan sa highlight ng kanyang speech:
“Nais ko pong sabihin na ang malaking bahagi ng panukalang budget na 4.29 billion pesos ay nakatali na rin, ayon sa batas, at hindi na ayon sa malayang kapasyahan:
ayon sa section 287 ng Local Government Code, 20% ng national tax allocation ay dapat ilaan sa mga proyektong pang-imprastraktura, ang tinatawag na 20% development fund. Ibig sabihin, sa ating panukalang 2023 budget, 20% ng NTA na 3.7 billion pesos o halos 750 million pesos ang nakatali sa 20% development fund.
Ayon din sa section 21 ng disaster risk reduction and management of 2010 o RA 10121, limang porsyento ng budget ng LGU ay dapat ilaan para sa local disaster risk reduction and management fund o LDRRMF. Ito ang dating tinatawag na calamity fund sa ilalim ng section 324 (d) ng local government code. Ibig sabihin, sa ating panukalang 2023 budget, 5% ng budget na 4.29 billion pesos o 214 million pesos ang nakatali sa LDRRM Fund, maaari lamang gamitin sa mga gastusing may kinalaman sa kalamidad—70% sa paghahanda o “preparedness” at 30% sa pag-responde o “quick response fund”. Iniisip nating idulog sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC na maglaan ng pondo mula sa preparedness component ng LDRRM Fund upang magtayo ng matatawag na forward operating base—pwede ring maging Mini-Capitol—sa strategic na mga lugar, kahit sa Hilaga at Timog lang muna ng mainland Palawan.
Bukod sa mga ito, kailangan din maglaan ng humigit-kumulang 1.29 billion pesos na pondo para sa personal services – sahod at iba pang benepisyo ng lahat ng kawani ng PGP- na umaabot sa 30% ng panukalang 2023 budget. Mababa ito sa limitasyong nakasaad sa section 325 ng Local Government Code na nagsasabing hindi dapat lumampas sa 45% ng budget ang pondong ilalaan para sa personal services sa isang taon.
Bukod pa rin sa lahat ng mga ito, may mga pagkakautang din ang pamahalaang panlalawigan, at lahat o ang kalakhang bahagi nakakarga sa 20% development fund, sapagkat ipinantustos din naman natin nitong nagdaang administrasyon sa mga proyektong pang-imprastraktura. May mga natapos na rin o malapit na ring matapos bayaran.
Sa ating 2023 budget, kailangan nating maglaan ng 460 million pesos, pambayad ng mga loan amortization sa susunod na taon. Dahil galing ito sa 20% development fund, ang maiiwang pondong maaaring gamitin sa mga proyektong pang-imprastraktura sa taong 2023 ay nasa 288 million pesos na lamang, mula sa 750 million pesos na 20% development fund.
Lahat ng ating mga upisina ay may patuloy na mga gawain, kailangang paglaanan ng pondo ang kanilang mga pangangailangan, bawat tanggapan may maintenance and other operating expenses, kasama ang supplies at panggastos sa mga paglakbay, halimbawa ang pagkain ng ating mga PDL—Persons Deprived of Liberty—sa ating Provincial Jail; ang pag-ikot sa kalakihan ng ating lalawigan ng mga kawani ng ating Office of the Provincial Agriculturist upang magsagawa ng mga training ng ating mga magsasaka; ang pag-ikot ng mga kawani ng Provincial Veterinary Office upang mag-iniksyon ng hayop; at marami pang ibang hindi naman pwedeng walain. Sinasabi ko lang po ito bilang bahagi ng pangkalahatang palalarawan ng mga ginagawa ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kasalukuyan, dahil sa Covid-19 Pandemic, nadagdagan pa ng Bagyong Odette noong nakaraang Disyembre, bagsak ang ating ekonomiya; ngunit, salamat sa Panginoon at unti-unti nang bumabangon. Ngunit dahil hirap pa rin ang karamihang mga mamamayan, prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang tulong pangkabuhayan at social services. Salamat sa ating mga mambabatas at nakakapag-pakibahagi ang PGP sa ibat-ibang uri ng ayudang mula sa pamahalaang nasyunal, na sa normal na sitwasyon ay dumadaan sa mga ahensya nito, ngunit ngayon, dahil sa laki at dami, natutulungang ipamahagi sa mga LGUs.”
Binigyang diin pa rin sa talumpati ni Palawan Governor Socrates na kanyang prayoridad ang patakbuhin nang maayos ang mga ospital, na ngayon ay nasa pangkalahatang pangangasiwa ng Provincial Health Office na pinamumunuan ni Dra. Kai Labrador.
Natalakay din sa kanyang SOPA ang dahilan ng kanilang pagkilala ni dating Gob. JCA na ngayon ay kongresista na.
“Taong 2009 pa lamang, noong una kong makilala si Don Pepito Alvarez—ngayon ay si Congressman JCA—noong una siyang lumahok sa pulitika at naghahanap ng mga kasama, at ako ay niyaya niyang kumandidato para congressman, sinasabi na niya agad na kung siya ay magiging gobernador, magpapatayo siya ng network ng ospital. Natanong na rin noon kung bakit magtataya ng malaki sa ospital ang pamahalaang panlalawigan, samantalang sa anumang pagkakataon, walang sampung porsyento ng populasyon ang nangangailangan ng ospital. Ngunit ang sagot ay, oo nga, bagamat maliit na porsyento ng populasyon ang nangangailangan ng ospital ng pamahalaan, sa bawat isang indibidwal na kailangang dalhin sa ospital, buong pamilya niya ang masasadlak o babalik sa pagiging maralita. Kailangang may malapit na ospital na mapagdaralhang mapapakinabangan ang health insurance na kaloob ng pamahalaan. Sa kalaunan, pasasalamatan din ng sambayanang Palawenyo ang JCA Administration sa Hospital Development and Management Program na itinatag ni Manong Pepito.
Ngayon nga ay hindi pa lubos ang pakinabang sa lahat ng mga ospital ng PGP; ngunit alam nating kakayanin nating patakbuhin natin ang mga ito nang maayos, hindi lang agad-agad. Mabuti nga at mayroon nang mga istruktura. At tumutulong pa rin naman sa atin ang Department of Health sa pagkalap ng mga kagamitan. Ang isang napakagandang tanda ng pag-asa ay ang nalalapit nang pagbukas ng College of Medicine ng Palawan State University. Salamat, President Ramon Docto, sa inyong pagsisikap na maitatag ang College of Medicine. Nangangahulugang higit na maraming kabataang Palawenyo ang maaaring mag-aral ng medisina at mga kalapit na kurso; nadagdagan ang bukal na maaaring pagmulan ng mga propesyonal na magpapatakbo ng ating mga ospital. Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang paglaan natin taun-taon ng 50 million pesos para sa scholarship ng mga mag-aaral ng medisina at mga kursong pangkalusugan.
Ngayong tila patapos na ang pandemya, ramdam nating muli na kulang ang ating mga silid-aralan sa buong lalawigan, lalo na’t maraming silid-aralang nariyan na ang nasira ng Bagyong Odette noong nakaraang Disyembre. Mahigit apat na raang silid-aralan ang kabuuang kailangan, ayon sa mga municipal LGU; mayroon mahigit sa 50 million pesos ang inaasahang special education fund ng 2023 na pinamamahalaan ng ating Local School Board, 16 million pesos dito ang nakalaan sa paggawa ng mga schoold buildings. May tinitingnan din tayong posibilidad na madagdagan ito ng 75 million pesos mula sa pondong hindi nagamit noong mga taong 2019 hanggang 2021. Dahil makakatipid kapag ang itatayo ay school building na may dalawang silid-aralan kaysa paisa-isang silid-aralan, ito ang pagpaplanong ginagawa ng ating Provincial Engineer’s Office sa pamumuno ni Engr. Aireen Laguisma Marcaida. Kung anim na milyong piso halos ang isang gusali na may dalawang silid-aralan, baka sakaling makagawa tayo ng labinlimang gusali o tatlumpung silid-aralan sa budget year 2023, kung papayag ang Local School Board.
Sa pagtatapos, umani ng papuri at pagbati ang gobernadora dahil sa makabuluhan nitong talumpati.
Discussion about this post