Inanunsyo ng pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) ngayong Sabado, Enero 19, na nakatakda na silang magsagawa ng eleksiyon upang mapalitan na ang mga kasalukuyang Board of Director (BOD) members, kabilang na nga ang apat na umano’y lumabis na ang termino.
Narito ang inilabas na iskedyul ng PALECO sa gagawing mga District Elections at Annual General Membership Assembly o AGMA:
District V – mula Bgy. Kamuning, Inagawan, PPC at Bayan ng Aborlan – March 12, 2022
District VIII – Bayan ng Cuyo, Magsaysay, Agutaya – March 19, 2022
District VII – Bayan ng Brooke’s Point, Bataraza, Sofronio Espanola at Balabac – July 16, 2022
District VI – Bayan ng Narra – July 23, 2022
Ayon sa PALECO by-laws, ang annual general membership meeting ay ginaganap tuwing buwan ng Mayo. Subalit sa pagkakataong ito ay gaganapin darating na Setyembre 24 para bigyang-daan ang 2022 national at local elections.
Ayon rin sa PALECO, isa sa mga dahilan ng pagka-antala ng district elections o AGMA ay ang paglaganap ng COVID-19 noong 2020 kung saan nalimitahan ang operasyon at mga nakatakdang aktibidades na noo’y sana’y nakatakda nang ilunsad ng kanilang pamunuan at ang nagdaang bagyong Odette kung saan ay malaki ang idinulot na damage sa kanilang mga linya at poste. Dahil dito, kinailangan umano nilang tutukan at bigyan ng kaukulang solusyon na inabot ng ilang buwan.
“Ating matatandaan na ang huling naganap na halalan para sa pagka-Direktor ay noong Marso 2020. Dahil sa COViD-19 pandemya, nagpalabas ang Cooperative Development Authority (CDA) ng memorandum sa pamamagitan ng MC 2020-14 na nagsasabing “the term of elected officers ending on CY-2020 shall be extended and incumbent officers shall serve on a hold-over capacity until the conduct of the next regular general assembly meeting and election of officers.,” ayon sa PALECO.
“Dulot ng tropikal na bagyong Odette nung December 17, 2021, naantala ang ibang mga programa at ibang gawaing ng ating kooperatiba para suportahan at mabigyang prayoridad ang pagpapanumbalik ng normal na daloy ng kuryente sa probinsya ng Palawan,” dagdag nila.
Samantala, ay nagpalabas rin umano ang National Electrification Authority (NEA) ng isang direktiba sa pamamagitan ng Memorandum No. 2020-17 na may petsang ika-14 ng Abril 2020 na nagdeklara ng pagkansela ng Annual General Membership Assembly at ibang kahalintulad na aktibidades at pagpapaliban ng district elections sa taong 2020.
Kung kaya’t samakatuwid, ayon sa PALECO, ang mga nanunungkulan na opisyales at direktor ng PALECO ay nagkaroon ng “extension of services” sa kooperatiba.
Discussion about this post