Naglaan ng P3,000,000 ang Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa sa pamamagitan ng City Sports Office para sa mahigit 100 delegado na kakatawan para sa MIMAROPA RAA Meet 2023.
Inanunsiyo ng City Sports Office sa pangunguna ni City Sports Director Atty. Rocky Austria na puwede nang makuha ng mga nanalong atleta sa Measurable Events o ang Athletics, Archery, at Swimming ang kanilang cash incentives.
Maki-claim ito sa Cash Division ng City Treasurer’s Office sa New City Hall Building.
Para sa individual event, makakatanggap ng pitong libong piso (P7,000) ang nakasungkit ng ginto o gold, anim na libong piso (P6,000) naman para sa pilak o silver, at apat na libong piso (P4,000) naman para sa nanalo ng tanso o bronze.
Dagdag pa ni Austria, kapag mayroon namang mga naidagdag pa na medalya ang isang atleta ay karagdagang limang libong piso (P5,000) para sa ginto, apat na libong piso (P4,000) para sa pilak, at tatlong libong piso (P3,000) naman para sa tanso.
Habang sa team events naman, kapag mababa sa lima ang miyembro ay paghahatian ng pantay ng mga manlalaro ang nabanggit na cash incentives sa individual event.
Kapag lagpas naman sa limang miyembro ay makakatanggap ang bawat miyembro ng 25% ng mga naturang cash incentives.
Samantala, inaasahan naman na sa pagtatapos ng palarong MIMAROPA RAA Meet 2023 ngayong Sabado, Mayo 26, ay muling mamamayagpag ang husay at galing ng mga manlalaro ng Puerto Princesa sa iba’t ibang sports events.
Discussion about this post