Halos tatlong buwan mula ng maideklarang nawawala ang medevac helicopter na Yellow Bee at ang lima nitong sakay, ipinahayag ng pamilya ng pilotong si Daniel Lui ang kanilang determinasyon na malaman ang katotohanan sa likod ng misteryosong pagkawala ng nasabing helicopter sa karagatang sakop ng Candaraman Island, Balabac, Palawan.
Noong Lunes, Mayo 22, naglabas ng pahayag ang pamilya ni Lui, kung saan inanunsiyo nila ang gagawing karagdagang imbestigasyon na kanilang isasagawa.
Binigyang-diin ng pamilya ni Lui ang kakulangan ng ebedinsya sa ginawang dalawang buwang paghahanap ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno.
Ayon sa pamilya Lui, nagbunsod ang kanilang desisyon dahil wala umanong anomang ebedensiyang nakalap ang search and rescue (SAR) teams sa kanilang ginawang masusing paghahanap na makakatukoy kung nag-crash nga ba ang nasabing helicopter at kung nasaan na ang mga sakay nito.
Bukod dito, inilabas din ng pamilya ang isang pabuya na ibibigay sa sinomang makakapagbigay ng impormasyon na magdadala sa kanila sa kinaroroonan ng piloto at ng American nurse na Janelle Alder na kasama niyang nawala.
Dagdag ng pamilya, ang imbestigasyon ay tututok sa mga lugar o mga isla kung saan huling nakapagpadala ng radar ang nasabing piloto. Sila rin umano ay kasulukuyang nakikipag-tulongan sa mga pribadong imbestigador na hahawak ng nasabing kaso.
Ipinahayag ng pamilya na umaasa silang ang gagawing karagdagang imbestigasyon at pabuyang inilabas nila ay magbubukas ng bagong kabanata at magdudulot ng kalinawan sa tunay na rason ng pagkawala ng Yellow Bee at ng limang lulan nito.
Ang suporta ng publiko at ang kooperasyon ng mga awtoridad ay patuloy na inaasahan upang matuklasan ang katotohanan at mahanap na ang helicopter at ang mga sakay nito.
Matatandaang Marso 1 ng maideklarang nawawala ang Yellow Bee matapos magsundo ng isang pasyente sa Mangsee Island, bayan ng Balabac.
Lulan nito ang missionary pilot na si Lui, American nurse na si Alder, at isang pasyente kasama ang dalawang kamag-anak nito.
Discussion about this post