Hinihimok ngayon ng presidente ng Liga ng mga Barangay sa Bayan ng Roxas ang buong suporta mula sa mga kapwa niya kapitan sa isinusulong ng pamahalaan na pagkondina sa mga makakaliwang-grupo, sa pagiging matinong lider at pagbibigay ng maayos na paglilingkod sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Sa panayam kay Kapitan Maryann Catalan, ang kasalukuyang pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Bayan ng Roxas at ex-officio member sa Sangguniang Bayan ng nasabing munisipyo, hinihingi niya ang kooperasyon ng mga miyembro para sa kaunlaran ng bayan at lalawigan sa kabuuan.
“Para sa ating mga kababayan, lahat naman tayo ayaw ng away. Kung anong alam nating tama, para sa demokrasya at malaya, doon tayo…. Huwag na nating kalabanin pa ang gobyerno dahil tayo rin ang gobyerno. Kailagang magtulungan tayo,” wika niya.
Kung siya umano ang tatanungin, bilang lider ay napakaistrikto niya sa pagpapatupad ng mga panuntunan at polisiya, alinsunod sa kautusan ng DILG.
Binigyang-diin niya sa mga kapwa nila lingkod-bayan na upang mahikayat ang mga mamamayan na suportahan ang mga programang ipinatutupad ng pamahalaan gaya ng pagtakwil at pagkondina sa mga makakaliwang-grupo ay mahalagang makita rin nila na ang kanilang mga lider ay nagtatrabaho ng tama, at binibigyan sila ng protektahan, lalo-lalong na ang mga kabataan na kadalasang nahihikayat ng mga communist terrorist group.
Dagdag pa ni SB Catalan, napakahalagang magabayan ang mga kabataan upang huwag malihis ng landas gaya ng mahimok ng News People’s Army (NPA) na kamakailan lamang ay pormal na nilang itinuring na persona non-grata sa pamamagitan ng pagpirma sa manifesto of support, katuwang ang mga concerned government agencies sa kanilang munisipyo. Aniya, importanteng paigtingin ang pagbabantay sa mga kabataan na hindi maimpluwensiyahan ng maling idelohiya na kung saan, makatutulong din ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours at pagbibigay ng nararapat na suporta sa kanila gaya ng edukasyon.
Sa pagkondina sa mga CTG, aniya, mabisa ring paraan kung maibibigay ang suporta at kabuhayan sa mga mamamayan at maging transparent sa serbsiyo ang mga nakaupo sa pwesto upang walang maging rason na magkaroon ng sama ng loob sa gobyerno ang kanilang mga nasasakupan.
Upang makaiwas din sa pagpasok ng mga NPA terrorist communist group, dapat din umanong lahat ng residente ng barangay ay kilala ng mga opisyal at kung sinu-sino ang bumubuo sa isang tahanan, lalo na ang mga bagong salta.
Matatandaang noong Hunyo June 16 nang pumirma ang 29 sa 31 na mga kapitan ng Bayan ng Roxas sa ipinatawag na special meeting ng ABC-Roxas Municipal Federation upang suportahan ang hakbang ng national government na ituring na persona non-grata ang NPA CTG at kondinahin ang mga mali umano nilang gawa tulad ng paghihimok, panggigipit, pag-atake sa militar na nagbibigay ng tulong ngayong panahon ng krisis, at pagsira sa mga ari-arian sa Palawan.
Ang dalawa naman umanong barangay na wala sa nasabing aktibidad ay ang Brgy. Iraan at ang Brgy. Minara, na kung saan naman matatagpuan ang headquarters ng MBLT-3 at Joint Task Force North. Nang tanungin si SB Catalan, aniya, ng mga sandaling iyon ay walang ipinaabot sa kanyang dahilan ng hindi pagdalo ng kapitan ng Minara o kahit kinatawan man lamang.
Discussion about this post