Inalmahan ng Sangguniang Bayan (SB) ng Coron ang paniningil ng P300 parking fee ng isang lokal na hardware store na pagmamay-ari ng isang Chinese sa nasabing bayan.
Sa pahayag ng SB Secretary na si Jing Dalonos, sinabi nitong nagkaroon naman sana ng konsiderasyon ang pamahalaan ng tindahan.
“Kung sa loob ng property ng naniningil (ang sasakyan), still hindi pa rin sana sila naningil, lalo within the building din nila ang pinuntahan ng nag park sa may hardware nila,” ani Dalonos.
Dagdag niya, maari naman umanong maningil ang isang pribadong establisyemento ng parking fee kung sa mismong parking area inilagak ang isang sasakyan, ngunit sa halagang P300 para sa 2-3 oras na itinagal ng isang sasakyan ay sobra na umano ito.
Sinabi din nito na sa ngayon ay wala pang anomang ordinansa na naipasa ukol sa pagri-regulate ng parking fees sa mga pribadong establisymento sa Coron.
Ang tangi lang umanong sinisingil ng lokal na pamahalaan sa ngayon ay ang docking o mooring fees ng mga bangka na dumadaong sa pampang o pier ng bayan.
“Sa tingin ko, kung nag park sa property nila, puwede maningil ng parking fee lalo hindi nila customer. Ang kaso, sa amount, nagkaroon ng isyu kasi sobrang taas,” ani Dalonos.
“Nag check ako sa records office namin, wala pang ordinance regulating parking fees of private establishments. Hindi pa na-tackle ang bagay na ‘yan sa Sanggunian. Wala ring provisions on parking fees sa aming Local Revenue Code. Ang sinisingil ng LGU is docking/mooring fees ng mga bangka, walang parking fees,” dagdag niya.
Kamakailan ay umani ng iba’t-ibang reaksiyon, shares, at komento sa Facebook ang post ni Rhances Red, isang tour operator sa Busuanga tungkol sa paniningil umano sakanya ng P300 parking fee ng isang hardware store sa Coron.
Anya, nagtungo ito sa building kung saan naroon ang nasabing tindahan at bilang respeto ay nagpaalam naman umano siya sa guwardiya ng establisyemento kung maaring makipark ng sasakyan.
“Doon po ako nag park sa designated parking area ng Anson. Bilang pagrespeto po, nag paalam po ako sa guard na doon kami sa Beanleaf, which is building din po ng Anson. More or less 3 hours po kami doon dahil mga taga Busuanga pa kami. Then nagulat po ako sa instruction ng owner na singilin ako ng parking fee na P300,” ani Rhances.
Pinost ni Rhances sa kanyang Facebook account ang resibo ng naturang tindahan sa binayaran niyang P300 na parking fee.
Anya, ayon sa mga ibang nakakita ng kanyang post, ay nangyari din umano ito sa iba.
“Mayroon daw pong incident na nagsingil din sila ng parking sa ibang tao. Taga ibang barangay po ‘yun. Pero pinapa-verify ko pa po kung talagang nangyari. Sinabi po sakin ng concern citizen din. Dahil po siguro kulang sa kaalaman, hidi rin po nakahingi ng resibo as evidence,” ani Rhances.
Samantala, sinabi ni Dalonos na maaring⁵ magtungo sa opisina ng SB si Rhances kung nais nitong magreklamo sa pangyayari. Sinabi rin nito na pag-uusapan ito sa susunod na pagpupulong ng mga kagawad ng bayan.
Discussion about this post