Naglabas ng saloobin si Brooke’s Point Mayor Mary Jean D. Feliciano sa tila mabagal na desisyon at aksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa nais ng Lokal na Pamahalan, at maging ng mga residente sa kanilang bayan, na ipatigil at paalisin na ang Ipilan Nickel Corporation.
“’[DENR] Pakinggan ninyo kami. ‘Wag ninyo kaming pangunahan’ ‘yun yung sinabi ko sa staff ng MGB. Bakit kung minahan ang sumusulat sa kanila, inaaksyunan nila agad? ‘Yun po yung aking point na ‘wag kayong nagdedesisyon ng taliwas sa aming desisyon kasi nasa iisang gobyerno [kaya] dapat magkakakampi tayo. Dapat ginagalang niyo kami [at] kung ano man ‘yung desisyon namin sa aming bayan. Respetuhin ninyo [at] ‘wag kayong gumawa ng sariling desisyon ninyo dahil kayo [ay] hindi naman maaapektuhan…,” ani Feliciano.
Ayon pa sa Alkalde, paso na ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at iba pang mga kaukulang dokumento para manatili pa ang nasabing korporasyon sa Bayan ng Brooke’s Point.
“Wala silang anumang dokumentong pinanghahawakan. Expired na yung kanilang MPSA, wala rin silang SEP clearance, [at] wala rin silang business permit or mayor’s permit pero nagmimintina pa rin sila ng mga security guards na armado. Kaya tinatanong ko yung DENR [kung] bakit ninyo hinahayaang nandiyan pa rin yung mga taong ‘yan eh samantalang wala naman silang hinawakang anumang dokumento. Ang sagot sa akin nung nakaraan eh kesyo raw meron silang application for renewal…,” pahayag ni Mayor Feliciano.
Samantala, hiniling din nito sa DENR na magpasya na ang departamento, ng naaayon sa kagustuhan ng kanilang mamamayan, upang maaksyunan na ang kasalukuyang suliranin ng kanilang munisipyo.
“Sana magkaroon ng matibay din na aksyon o nang paninindigan ang DENR kasi ayaw ng LGU [ng Brooke’s Point]. And expired na [ang] ECC [ng Ipilan Nickel Corporation]. And yet, irere-instate nila [nung DENR] yung ECC. Samantalang yung ECC naman ay nakadepende sa MPSA…” dagdag na pahayag ni Feliciano.
Discussion about this post