Ilang araw matapos na i-padlock ang kanilang mga tahanan base sa ibinabang kautusan ng korte, hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring sa kalye ang mga apektadong residente ng Sitio Tandol, Barangay 1 (Poblacion), Roxas, Palawan.
Kinabibilangan ng 19 pamilya na dating naninirahan sa 23 kabahayan ay lumisan sa kani-kanilang mga tahanan alinsunod sa ibinabang utod ni Judge Ronilo A. Beronio ng Municipal Circuit Trial Court-Roxas/Cagayancillo noong September 4, 2020 may kaugnayan sa kasong sibil na isinampa laban sa kanila. Iniatas ng hukom sa sheriff ang agarang pagpapatupad ng writ of execution pabor sa nagsampa ng kaso na si Nicolasa Diao.
Tuluyang silang pinaalis matapos na hindi katigan ng hukuman ang inihaing mosyon ng abogado ng grupo para sa ipinaglalaban nilang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga kabahayan na nasa titulo ng claimant.
Simula umaga noong Setyembre 8 nang umpisa silang manirahan sa mga tent at kubo-kubo na yari sa trapal at tela, kabilang ang nasa siyam na senior citizen at halos 100 mga bata. Sa oras ng pamamahinga sa gabi, natutulog lamang umano sila sa mga bangko, o sa kama o sa tent na bigay sa kanila ng mga estudyante.
Pagdating sa pagkain ay binibigyan naman umano sila ng ayuda ng barangay at munisipyo at ng mga may mabubuting kalooban.
PAGTUTOL NG MGA APEKTADONG RESIDENTE NA LUMIKAS
“Ito sila, dito araw muna sila sa kalsada hanggang mabigyan sila ng relocation [area] ng LGU kasi napangakuan man sila ni Mayor [Dennis Sabando] na hahanapan sila ng malilipatan na magiging sa kanila na talaga habang ito kinakaso, habang mag-aapela pa sila kasi dito palang [naman] sila sa lower court natalo,” ayon kay Yolanda Buri, ang nagsisilbing tagapagsalita ng mga apektadong residente. Si Buri ay hindi kasama sa mga naipasara ang kabahayan sapagkat ongoing pa ang kaso ng dalawa pa niyang kasamahan.
Nilinaw naman ng ginang na pinuntahan na rin ang kanyang mga kapitbahay nina Kapt. Jididia Balangao at ng ilang opisyal ng barangay at ni Mayor Dennis Sabando at inalok ng mas maayos na malilipatan sa mga pasilidad ng barangay ngunit mariin silang naninindigan na nais nilang manatili sa lugar.
“Inimbitahan man kami. Mayro’n ding lilipatan [ang mga apektadong tao rito], ang problema, ang mga tao ang ayaw nang umalis dito kasi ang ini-expect talaga ng mga tagarito, ‘yong hangganan lang nila, ‘yon lang ang kukunin, [at] mayroon pa silang matitirhan,”paliwanag pa ni Buri.
KAHILINGAN
Ang pakiusap lamang umano sa ngayon ng mga apektadong residente sa Punong Bayan na huwag madamay ang mga lupang hindi naman sakop sa titulo ng mga Diao.
Kwento pa ni Buri, kagaya ng bahay nina Veronica Cardiño at ng kanyang anak na ang sakop lamang umano ng lupa ng mga Diao ay hanggang sa bubong lamang ng maliit na bahay ng anak ni Cardiño ngunit maging ang kanyang bahay ay nai-padlock din.
Binanggit din niyang silang magkakapitbahay doon ay halos sabay-sabay lamang na manirahan sa lugar, maging ng legal claimant na mga Diao.
“Ang hiling naming mga tao na i-correct lang ang boundary nila kasi ang mohon, naandiyan lang naman…kaya kaming mga tao lumalaban [sa korte],” ayon pa kay Yolanda Buri.
Aniya, binili nila ng kanyang asawa ang rights sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay sa ngayon mula kay Divina Cayabo na nagki-claim noon sa bahaging iyon ng Barangay 1. Nag-apply din umano sila sa DENR dahil public land ang lugar ngunit dahil sa kahirapan ay hindi nila nabayaran sa mahabang panahon at hindi rin naipa-survey para sa pag-a-apply ng titulo.
Ang kinatawan naman ng grupo na si Pablo Buri na nagkwentong halos lumaki na siya sa lugar ay naglabas din ng kahawig na saloobin. Dagdag pa niya, pito sa mga apektadong pamilya ay kanyang mga kamag-anak.
“Ang tanong ko lang sa sarili ko sa lupa namin na ‘yan, bakit nagkaroon ng titulo [ang ibang tao] na samantalang 1980s pa, tinayo na namin ‘yan. Wala namang sumukat na dumaan sa silong namin. [Pero sabi namin] ‘Sige, ibigay na natin,’ basta ‘yong sobra sana, ibigay din sa amin,” aniya.
Discussion about this post