Positibo ang kapulisan ng Narra Municipal Police Office (MPS) sa pangunguna ni Maj. Romerico Remo na mabibigyan nila ng hustisya ang nangyaring pamamaslang sa Punong Barangay ng Poblacion, Bayan ng Narra, pasado 9:00 PM ng Huwebes, Nobyembre 5, 2020.
Sa panayam ng Palawan Daily kay Remo ngayong araw, Nobyembre 6, sinabi niya na malaki ang pag-asa nilang matukoy sa imbestigasyon ang dalawang suspek sa pamamaril ng naturang kapitan.
“Positibo naman kami na matutukoy natin ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Sa ngayon ay nasa parte na kami ng imbestigasyon [at] hinihimay-himay na namin ang mga anggulo at posibleng dahilan sa pamamaril kay kapitan,” ani Remo.
Bagaman naging matipid sa detalye ukol sa ginagawang imbestigasyon ang hepe, ibinahagi nito na noon pa man umano ay nakakatanggap na ng mga banta o death threats ang namayapang punong barangay.
“Napag-alaman natin na noon pa man ay may mga natatanggap nang death threats itong si Kap, pero kilala naman natin ‘yung tao, hindi ugali [ni Kap. Aperocho] na ipagsabi [ang ganitong isyu] kanino man, so parang hindi niya lang pinansin,” ani Remo.
Idinagdag pa ng hepe na taliwas sa mga impormasyon o report na nailabas ng mga naunang rumesponde sa krimen kagabi ay walang ginamit na motorsiklo ang dalawang suspek. Ayon kay Remo, naglalakad lamang ang mga suspek at biglang huminto sa harap ng bahay ng noo’y nakikipag-inuman na kapitan.
Tinapatan mismo ng dalawang suspek ang biktima at dito na pinaulanan ng mga bala na tumama sa iba’t-bahagi ng katawan, dahilan ng agaran niyang pagkamatay.
Ayon pa sa inisyal na imbestigasyon ng Narra MPS, matapos magpaulan ng bala ay agarang nagsipagtakbo ang mga suspek sa gawi ng Quezon Boulevard, kung saan walang anumang ilaw o poste na makikita. Sa tulong ng dilim, nagawa nila umanong makatakas.
Nang tanungin ng Palawan Daily kung ma-ikukonsiderang “professional gunmen” ang mga salarin, sinabi ni Remo na sa kanyang opinyon, ang dalawa ay mga lokal na gunmen lamang.
“Sa tingin ko hindi naman masasabing professional gunmen talaga. Kasi hindi plantsado ‘yung pagkakagawa, eh. [At] saka ‘yung baril na ginamit, hindi siya ‘yung high powered na klase ng baril,” ani Remo.
Samantala, inaasahan naman ni Remo na makikipagtulungan ang mga lokal na mamamayan sa kapulisan para sa madaliang pag-resolba ng karumal-dumal na kaso.
“Ito ay hindi lang responsibilidad ng ating lokal na kapulisan. Responsibilidad natin itong lahat. Kaya kung sino man ang may kaalaman hinggil sa kaso, makipag-ugnayan agad sana sa atin,” ani Remo.
Ngayong araw din, naglabas ng anunsiyo ang Kapitolyo na magbibigay ang pamahalaang probinsiyal ng isang milyong pisong pabuya para sa kanino mang makapagtuturo ng pagkakakilanlan ng mga suspek.
Sa kasalukuyan, ito na ang pangatlong naitalang kaso ng pamamaril sa bayan ng Narra ngayong taon.
Discussion about this post