Na-postpone at itutuloy sa susunod na Martes, July 7, ang preliminary conference sa pagdinig ng patong patong na kasong isinampa ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra laban sa kanilang alkalde na si Mayor Gerandy Danao.
Ito ay sa kadahilanang hindi nakapag-submit ng kanilang preliminary briefing documents para sa kaso ang kampo ni Danao bagaman kahapon lang rin, June 29, naipasa ng kampo ng SB ang kanilang preliminary briefing documents na natanggap ng opisina ni Atty. Joseph Allen Quinon, isa sa mga legal counsel ni Danao.
Dahil sa rason na ito, napagkasunduan naman ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na ipagpaliban sa ngayon ang preliminary conference at kanila na namang itinakda na dinggin ito sa susunod na Martes, July 7 kung saan inaasahan na namang magtatagpo ang dalawang panig sa kapitolyo.
Samantala, nagsalita naman si Board Member Ryan Maminta sa privilege hour kanina sa idinaos na session kung saan nanawagan ito na mag-ayos at magkaroon sana ng “amicable settlement” ang dalawang kampo sapagkat ang mga ito naman ay pare-parehong taga Narra at kung sakali namang magkaayos ay para na rin sana ito sa pagkakaisang minimithi ng mga mamayan ng naturang munisipyo.
“Dumating sa pagkakataon na ang dalawang party ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at humantong nga ito sa pagsampa ng kasong administratibo dito sa Sangguniang Panlalawigan laban kay Mayor Danao,” ani Maminta.
“Isa sa mga nababanggit sa ating rules ay ang kaparaanan ng pagkakasundo. Ang atin po sanang apela sa ating mga kasama ay baka puwedeng mangyari, ‘yung unang bahagi ng pagdinig na ito,” ani Maminta.
Si Maminta ay matatandaang dati ring miyembro ng SB Narra at nagslibi ng ilang taon bilang konsehal sa nasabing bayan.
Dumalo sa pagdinig si Mayor Danao kasama ang apat nitong mga abogado na sina Atty. Nesario Awat na kasalukuyang konsehal rin ng Puerto Princesa, Atty. Edwin Gastanes, Atty. Regidor Tulale at Atty. Joseph Allen Quinon samantalang dumalo rin ang mga miyembro ng SB Narra kasama ang kanilang legal counsel na si Atty. CJ Cojamco.
Sa huli, bago dumako sa adjournment ang session ay hiniling ng Sangguniang Panlalawigan na mag shake-hands ang dalawang kampo subalit dahil na rin sa ipinapatupad na social distancing kaugnay sa COVID-19 national protocol, nagbigayan na lamang ng pag “bow” ang si Danao at mga miyembro ng SB Narra.
Inaasahan namang matutuloy na ang preliminary conference sa kapitolyo sa susunod na Martes.
Discussion about this post