Inihain ng Provincial Board Members sa Sangguniang Panlalawigan, nitong Martes, ika-29 ng Hulyo, ang Proposed Resolution No. 0136-25 na humihiling kay DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara ang agarang suspensyon ni Palawan School Division Superintendent Dr. Elsie T. Barrios dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa alegasyong “items and transfer for sale” na nangyayari sa Department of Education (DepEd) Palawan.
Ayon kay 2nd District Representative Board Member Ryan Maminta, buo ang kaniyang pagsuporta sa proposed resolution para sa agarang suspensyon ni Dr. Barrios dahil kapag nanatili umano ito sa loob at may impluwensiya habang gumugulong ang imbestigasyon hindi umano magkakaroon ng malinaw na kasagutan ang imbestigasyon.
“Mr. Chair, for my part, likewise, like to manifest my full support of the action of this particular action of the plenary, particularly the members of Sangguniang Panlalawigan calling for immediate suspension while undergoing of investigation of the present School Division Superintendent Elsie T. Barrios in view of the alleged items and transfer for sale in the province of Palawan. Mahalaga, ginoong tagapanguna na manawagan tayo nito sapagkat ang tao ay nariyan pa rin at habang ang tao at impluwensiya ay nakapaloob sa umiiral na imbestigasyon at mga pagpapatotoo tungkol ito sa sistemang bulok na ito sa Department of Education ay hindi po lubusang magkakaroon ng kasagutan at hindi magkakaroon ng lubusang kalinawan ang mga bagay-bagay na kinalaman sa items at transfer for sale sa lalawigan ng Palawan,” saad ni BM Maminta.
Giit pa niya, natatakot umano ang mga guro at nahihiya dahil sa kanilang pamunuan na umiimpluwensiya na maaaring maapektuhan ang imbestigasyon at hindi maging patas kaya, buo ang kaniyang suporta sa resolusyon upang matapos na ang problema at ang pang-aabuso sa mga Palaweño partikular sa mga guro.
“Hindi na po maitatanggi na totoo ang mga pangyayari na ito dahil na lamang sa takot ng ganti at kahihiyan dahil ng mga tao nga naman lalo higit ang mga guro ay natatakot talaga habang nandiyan yong kanilang pamunuan at umiipluwensiya at nag-uukol ng mga hakbangin para maimpluwensiyahan ang imbestigasyon, sa tingin ko po hindi magiging patas, hindi magiging makatarungan ang imbestigasyon kaya po ginoong tagapanguna , ako po ay sumusporta rin a proposed resolution, upang matapos na ang problemang ito, para tanghaling dakila muli ang sektor ng kaguruan lalawigan ng Palawan at matapos na ang pang-aabuso sa mga kapwa natin Palawenyo larangan ng Kagawaran ng Edukasyon,” dagdag ni BM Maminta.
Ibinahagi rin ni 1st District Representative Cherry Pie Acosta ang kaniyang pagsuporta sa resolusyon pagkatapos nitong basahin bago pirmahan. Aniya, ito ay sensitibong usapin na dapat intindihin bago gumawa ng isang desisyon.
“Mr. Chair I respectfully conveyed that I would like to study first, study thoroughly itong nasabing resolution sa pagsuspende po kay Superintendent Barrios dahil nga po sensitibo po ng nasabing usapin at may intention is not to opposed nor in favor, any party prematurely, gusto lang po talaga natin na himay-himayin ang bawat impormasyong nakarating sa atin.”
Hiniling din ni BM Acosta, na kung pwede ay maging bahagi siya ng principal authors ng resolusyon, na agad din naman sinagot at tinanggap ni BM Maminta ng walang pang-aanlinlangan.