Dahil walang pinipiling hawaan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na dulot ng bagong strain ng virus na severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2), maging ang mga miyembro ng pulisya ay doble ingat din umano sa pagsunod sa mga health protocol habang tinutupad ang tungkulin.
Ayon kay PCapt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO), bagama’t dalawa pa lamang ang naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ay lubos pa rin nilang sinusunod ang mga umiiral na health protocol batay sa ibinabang guidelines ng higher headquarters.
“Lahat po ng precautionary measures [gaya ng] social distancing, [mga] minimum na health standard po na tinatawag ay ibinaba din po ng PNP sa atin and down the line po ‘yan. And tayo naman po ay sumusunod, that’s why naka-mask [kami], [at pinapayuhang] kung may gloves, mag-gloves, kung may googles, mag-googles o faceshield, magbaon po ng alcohol, frequent hand washing, [at maglagay ng] footmat….,” pahayag ni Ramos sa panayam.
“And also, even ‘yung PNP po natin, mayroon tayong virtual learning system na tinatawag. That’s why, kailangan po talagang mag-adopt din po tayo sa new normal na tinatawag,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, sa gitna ng mga kasong naitala sa hanay ng PNP sa buong bansa na nagpositibo sa COVID-19, sa lalawigan, ibinahagi ng spokesperson ng Palawan PPO na sa kabutihang-palad ay walang personnel nila ang may ganoong kaso at wala ring probable or suspected cases individuals.
“As of the moment, wala po tayong probable or suspected na cases ng COVID-19 na PNP personnel po natin pero, pinapanalangin po natin na ‘wag nang magkaroon sapagkat nakikita po natin sa telebisyon na mahirap po kung magkakaroon po ng COVID-19 dito po sa Lalawigan ng Palawan,” dagdag pa ni PCapt. Ramos.
Sa kabilang dako, batay sa datus ng PNP noong Mayo 21, umabot na sa 260 ang nagpositibo sa kanilang hanay ng COVID-19, kung saan, apat ang nasawi at 84 ang gumaling. Nasa 788 din ang probable at 574 ang suspect cases.
Base naman sa May 23, 2020 COVID-19 tracker ng DOH-CHED Mimaropa, ang rehiyon ay mayroong 38 kumpirmadong kaso ng nasabing sakit, kung saan tatlo sa kanila ang naka-quarantine/naka-admit sa ospital, 31 ang nakarekuber at apat naman ang sumakabilang-buhay. Sa buong bansa naman ay mayroon ng mahigit 13,777 confirmed cases.
Discussion about this post