Kasama sa mga sinampahan ng kasong pagpatay kay Atty. Eric Jay Magcamit ay ang isang pulis, gayundin ang dalawang nakilalang mga suspek at anim na iba pang hindi pa nakikilalang mga indibidwal.
Sa ibinahaging impormasyon ni PLtCol. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng PNP Regional Police Office (RPO), nakasaad na naghain ng supplemental murder charges ang PNP laban sa siyam na suspek kaugnay sa pagpatay kay Magcamit na matatandaang naganap sa Bayan ng Narra, Palawan noong Nobyembre 17.
Bagamat naunang itinanggi ng PNP na may sangkot na pulis sa pananambang at pamamaril sa biktimang abogado, isang pulis ang inaresto dahil sa kaugnayan niya sa kaso na kinilalang si Police Senior Master Sergeant Ariel Pareja na sa ngayon ay nasa ilalim na ng “restrictive custody” ng Palawan Police Provincial Office (PPO).
Kinasuhan din sa Palawan Provincial Prosecutor’s Office noong Miyerkules, Nob. 25, sina Jazer del Rosario, Marcelino Quioyo, at ang anim pang mga John Does.
Sa isang ulat kay PNP Chief Debold Sinas, tinuran ni MIMAROPA PNP Regional Director Police Brigadier General Pascual Muñoz na nagtatrabaho rin si Pareja bilang bodyguard ni Quioyo na sangkot sa isang kaso ukol sa hidwaan sa lupa na kung saan ay nirepresenta ni Magcamit ang kabilang partido.
Dagdag pa ni PBGen. Muñoz, sa kasalukuyan ay inihahanda na rin ng pulisya ang administrative charges laban kay Pareja base sa kaugnayan niya sa naganap na pagpatay.
Matatandaang pinagbabaril si Magcamit ng dalawang kalalakihan sa Bayan ng Narra habang patungo sana sa pagdinig sa kasong hinahawakan sa Bayan ng Quezon.
Discussion about this post