Nagpaliwanag ang Narra Municipal Risk Reduction Management Office (MDDRMO) matapos masangkot ang kanilang opisina sa umano’y kawalan ng tamang higaan at pa tubig sa isang quarantine facility sa Barangay Malinao.
Ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay nag-viral ang post ni Rosalie Nava sa social media matapos nitong ireklamo ang kalagayan ng dalawa nitong anak na LSIs.
Sa post, sinabi nitong karton lamang ang ibinigay na higaan ng mga staff ng MDRRMO sa kanyang mga anak na galing Cavite. Binanggit din nito na wala rin umanong tubig sa banyo ng pasilidad.
Samantala, matatandaan namang sa unang linggo ng pagsalang ni Narra Vice Mayor bilang acting mayor ng munisipyo, ito ay umikot at bumisita sa mga kababayang LSIs at ROF. Si Lumba rin umano ay namigay ng foams at iba pang kinakailangan equipment sa lahat ng quarantine sites sa bayan.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Lumba ng tanungin ito ng Palawan Daily tungkol sa reklamo ni Nava kahapon ngunit sinabi nito na ang reklamo ay naayos na at marapat na ang lokal na MDRRMO ang aming marapat na kunan ng pahayag.
Nagtungo ang Palawan Daily sa MDRRMO at nakapanayam si Kristian Vergara, ang Head of Operations.
Sinabi naman ni Vergara na noong araw na dumating sa munisipyo ang magkapatid na LSI ay 33 ang kasabay nitong mga kababayan at marami pa ang naka-facility quarantine na nauna sa mga ito.
Inamin rin ni Vergara na kulang ang foams na kanilang ipinagagamit sa mga kababayang umuuwi at naka-facility quarantine
“‘Yung foams natin, nasa 110 lang ang bilang ko. Noong dumating silang magkapatid, 33 silang lahat na sinundo natin sa Puerto tapos lahat ng available na foams noon, ginagamit ng mga naunang umuwi pati ng mga frontliners,”ani Vergara.
“Lahat ng facility sites natin, puno din. So ‘yung batch nila, inilagay namin sa school sa Barangay Malinao. Actually kinausap naman natin sila at pinaliwanag ang sitwasyon na kapag may available na na foams, idis-infect lang muna tapos ihahatid agad sakanila. Pero’ yung iba nilang kasabay, dinalhan ng foams at higaan ng mga kamag-anak. Sabi naman nila sakin, naiintindihan naman raw nila,”dagdag ni Vergara.
Sinabi rin nito na nagulat na lamang siya nang mayroong nagsend sakanya ng post ng ina ng dalawang LSI.
Sa kasalukuyan ay nakapag-provide na ng foams para sa dalawang LSIs ang lokal na opisina at kasalukuyan pa ring nasa pasilidad upang tapusin ang dalawang linggong quarantine.
Discussion about this post