Kasabay ng malakas na ulan partikular na sa Bayan ng San Vicente, ang Brgy. New Agutaya ay nakaranas ng pagbaha.
Ayon kay Sangguniang Kabataan Chairperson Pepoy Velasco Salcedo, madalas binabaha sa kanila sa Purok Makabayan at kagabi ay umabot hanggang dibdib ang tubig at halos lahat ng kabahayan doon ay apektado dahil malapit sila sa ilog.
Ayon pa sa kanya naglagay na ng warning device ang lokal na pamahalaan na kung tutunog ito’y palatandaan na kung kinailangan na makapaghanda at karamihan sa mga purok doon ay mayroon warning device ngunit hindi umano gumagana.
“Yun po ang problema namin dito. Lahat kami yun po ang inaantay na tutunog sana pero hindi tumunog dahil lowbat kaya halos lahat hindi nakabantay sa biglang pagtaas ng tubig kagabi mga alas 3 ng madaling araw po,” pahayag nito.
Dagdag pa nito nakapagbigay na ng tulong ang mga opisyal ng barangay, ngunit hindi umano sasapat ito dahil marami ang naapektuhan sa pagtaas ng tubig.
“Mas marami ang nakakaawang kalagayan po dito lalo’t nasa sitwasyon tayo na nasa pandemya tapos nagkaganito pa,” saad ni Salcedo.
Umaasa naman na magbigayan ng tulong sa kaniyang kabaranggay na apektado ng pagtaas ng tubig.
Discussion about this post