Natanggap na ng kampo ni G. Noel Beronio ang kopya ng ibinabang order ng RTC Branch 164 kaugnay sa inihain niyang mosyon na ipatupad na ang kanyang pagkapanalo sa nakaraang election protest at kilalanin siya bilang tunay na nagwaging alkalde ng Bayan ng Araceli noong May 2019 Elections.
Ibinaba ng hukuman, sa sala ni RTC Branch 164 Presiding Judge Anna Leah Mendoza, noong Mayo 8, 2020 ang 27 pahinang order kaugnay sa Civil Case No. 5876 na kabilang sa nilalaman ay ang pag-grant ng hukuman sa inihaing “Reiterating Motion to Execute Judgement Pending Appeal” ni Beronio noong April 17, 2020.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Beronio, kinumpima niyang natanggap ng kanilang hanay ang ang kopya ng order noong Lunes, Mayo 11. Aniya, labis ang kanyang kagalakan nang malaman ang magandang balita, bagamat sinabi niyang may kinakailangan pang procedure na pagdadaanan, gaya na lamang ng pagbibigay ng korte ng 20 working days sa panig ng nakatunggaling si incumbent Mayor Sue Cudilla, alinsunod sa Supreme Court Rulings upang maghain ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Comelec o sa Kataas-taasang Hukuman.
Nauna na ring binanggit ni Beronio sa mga panayam ng PDN sa kanya na kapag na-grant ng korte ay ipaaalam din ito ng hukuman sa DILG, COA at sa Comelec na siya ang totoong nanalo sa halalan noong nakaraang taon base sa resulta ng recount noong Pebrero 2020.
Kahapon ay nag-post si Beronio sa kanyng social media account ng mga katagang “To God be all the Glory” na sinundan ng mga pagbati ng kanyang mga kaibigan, kakilala at mga kaanak.
Matatandaang nagwagi si Cudilla sa Halalan 2019 nang makuha ang “best of three” sa isinagawang toss coin noong Mayo 2019 matapos na pareho nilang nakuha ni Beronio ang 3,495 boto sa 16 clustered precincts. Dahil dito ay naghain ng poll protest ang natalong Mayoralty candidate at noon ngang Marso 3, 2020 ay ilabas ng korte ang desisyon pabor kay Beronio matapos na makakuha ng apat na dagdag na boto nang isagawa ang manual counting.
Sa nasabing manual recount noong Pebrero 5 at 6 ngayong taon, nakuha ni Beronio ang 3,502 na boto laban kay Cudilla na mayroon namang 3,498 mula sa dalawang barangay, bagamat ayon kay Beronio, dapat lima ang lamang niyang boto. Kaya aniya, naghain sila ng mosyon at maghihintay ng pinal na desisyon ng higher court at ng proklamasyong gagawin mismo ng Comelec.
Sa kanyang inaasahan nang pagbabalik sa posisyon, makatitiyak umano ang kanyang mga nasasakupan na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang programa at proyekto noong una siyang binoto ng mga mamamayan ng Araceli bilang alkalde noong 2016.
Discussion about this post