Ipinaliwanag ng Pamahalaang Panlalawigan na kahilingan ng Comission on Elections (COMELEC) ang karagdagang pondo na gagamitin para sa dagdag na mga presinto sa darating na plebisito sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.
“Bago magka-pandemic mayroong schedule ng plebisito noong Mayo last year wala pa pandemic yan so may nai-release na ang Provincial Government na P80M para po sa plebisito na nakalagay naman yun sa batas na ang pundo niyan ay sa Provincial Government manggagaling, then na-cancel ang plebisito noong Mayo ‘diba? Na re-schedule ngayong March 13. Ang kakaiba diyan dinagdagan yung mga presinto po na gagamitin sa botohan,” pahayag ni Winston Arzaga, Provincial Information Officer.
Ayon pa kay Arzaga, humingi ng karagdagang P70M ang COMELEC para maiwasan ang kumpulan ng mga tao na boboto at mapabilis ang proseso sa lugar na pagdausan nito.
“So ‘pag dinoble mo ang presinto nangangahulugan yan na magdadagdag ka ng pondo so kaya po ang COMELEC ay humingi ng additional funding na P70M. Bakit ang laki? Bakit 150 yan? ‘Yon po ang paliwanag doon nagpadagdag ang COMELEC kasi dinagdagan nila yung number of precincts at ito naman ay understood naman kasi ayaw nila mag-crowd yung ating mga botante at ayaw nila mgkaroon ng mahabang pila so kapag marami kasing presinto so mas madaling matapos yung ating botohan.”
Sinalag din ng tagapagsalita ng Pamahalaang Panlalawigan kung bakit hindi na lang inilaan sa ibang pangangailangan ng probinsya ang pera na gagastusin sa botohan. Aniya, maliit lamang ito kumpara sa malaking benepisyo na makukuha ng mga mamayan kapag nahati sa tatlong lalawigan ang Palawan.
“So sabi ng mga kritiko ang laki naman ng P150M. Bakit di ginamit yan sa pangangailangan ng probinsya araw-araw. Eh kung titingnan mo yan maliit lang yan, maliit lamang na gastusin yan para sa kinabukasan ng tatlong probinsya. Tingin po namin dito is long term investment po yan para sa kabutihan ng mga susunod na salinlahi ng mga Palaweño, kasi gagawa tayo ng tatlong probinsya eh syempre po mayroong plebisito diyan na kailangang gastusan. So para po sa amin, yan ay reasonable ang amount na yan na hinihingi ng COMELEC.”
Nang tanungin naman si Arzaga kung may mga proyektong naapektuhan dahil sa karagdagang pondo para sa plebisito, tahasan niyang binanggit na hindi masama kung may tinapyasan man at kung mayroon umano ay hindi ito gaanong makakaapekto sa programa ng pamahalaan.
“Provincial Government mayroong Sangguniang Panlalawigan yan at yan naman ay may kapangyarihan na mag re-adjust, mag re-program ng mga proyekto to meet some certain requirements, so hindi ako magtataka kung mayroong re-alignments yung Provincial Board at hindi bawal yun, hindi masama yun.”
Samantala pagdating naman aniya sa bakuna para sa COVID-19, binanggit umano ni Governor Alvarez na mayroong nakalaan at hindi na kailangan na magbukod ng pondo para rito dahil magbibigay naman ng libre ang National Government.
“Pero yung sabi, ‘Bakit ang Provincial Government, bakit si Gov. hindi nagkakandarapa maghanap ng pera para ibili ng bakuna?’ ‘Bakit daw ang ibang LGU nag-set aside ng pera?’Ang sabi ni Governor naman, ‘Hindi kailangan mag-set aside, mayroon tayo nakalaan diyan kung kinakailangan.’ Sabi nya, ‘Eh bakit naman tayo bibili ng bakuna na makakakuha naman tayo ng libre at mabibigyan naman tayo ng libre ng National Government.”
Discussion about this post