Makakapagbigay na ng serbisyong medikal ang San Vicente District Hospital matapos na opisyal itong buksan kahapon, Hulyo 28, 2020 na pinangunahan naman nila Gob. Jose Ch. Alvarez, Mayor Amy Roa Alvarez, mga opisyales ng LGU San Vicente at ilang mga kinatawan ng Department of Health (DOH) ang Inaugural Ceremony na isinagawa sa Brgy. San Isidro, San Vicente, Palawan.
Ayun kay Gov. Jose Chavez Alvarez sa naging opening speech nito sinabi ng gobernador na ito ay handog ng Department of Health (DOH) at ng Provincial Government of Palawan (PGP) at hindi umano sila titigil hanggat hindi natutugunan ang kanilang pangako noong taong 2010 pa na kung saan libre ang mga gamot, libreng ospital at doktor.
Nagbigay naman ng mensahe sa pamamagitan ng virtual message sina Department of Health Assistant Secretary Dr. Maria Francia Laxamana, DOH Regional Director Dr. Mario Baquilod at CHD MIMAROPA Licensing Officer Dr. Antonette Dimaano.
“Nakikita nila ang aktibong pagtugon ng Provincial Government sa mga mamamayan through their efforts in terms of providing health facilities and services… Itong pagbubukas ng San Vicente District Hospital ay talagang makakatulong sa mga mamamayan diyan and we are really looking forward for more hospitals na bubuksan diyan sa Palawan… “, bahagi ng virtual message ni ASEC. Dr. Laxamana.
Dumalo rin si Cong. Mikee Romero ng 1 Pacman Partylist kung saan ay magbibigay rin umano ito ng suporta sa pamamagitan nang pag-donate ng karagdagang hospital beds at iba pang health equipments.
Kasabay din nito ay ibinigay na rin ng DOH ang License to Operate (LTO) ng ospital na ibig sabihin, maari na itong magbigay ng serbisyo.
Nagbigay naman ng mensahe si Dr. Peter Penullar, ang tatayong OIC Chief ng ospital at sinabi nito na nagpapasalamat umano sila kay Governor Alvarez, Mayor Amy Alvarez at sa Department of Health (DOH) dahil natupad ang pagpapatayo ng ospital at malaking tulong umano ito sa mga mamamayan ng San Vicente.
Dagdag pa ni Dr. Penullar halos kumpleto ito sa pasilidad at pagbubutihin umano nila ang pagbibigay ng serbisyong medikal para sa lahat.
Samantala umabot sa mahigit P175,000,000 ang nagastos ng kabuuang pondo sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan (PGP) at ng Department of Health (DOH) sa ospital na may 50 bed capacity.
Ang pagpapatayo ng hospital building ang pinondohan ng DOH habang ang Pamahalaang Panlalawigan naman ang nagpondo ng mga pasilidad tulad ng Isolation Building, Doctors/Nurses Quarters, Dietary/Linen Building, Material Recovery Facility, Mortuary Building, Motor pool/Powerhouse Building, Elevated Water Tank, Deepwell/Water Treatment Facility at ang sarili nitong Communication System/Security Monitoring Devices.
Discussion about this post