Isinagawa ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 31, ang selebrasyon ng ika-30th Police Community Relations (PCR) Month na may temang “Sa Bagong Pilipinas, Ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!” na ginanap sa headquarters ng Palawan Police Provincial Office (PalawanPPO) sa Camp Higinio A. Mendoza Sr., Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa.
Panauhing pandangal sa programa si PBGen. Roel C. Rodolfo, Acting Regional Director, PRO MIMAROPA, San Vicente Mayor Ramis Pablico, at ilang opisyales ng Palawan PPO.
Sa nasabing programa, ginawaran ang ilang mga pulis ng lalawigan bilang pagkilala sa kanilang natatanging husay, dedikasyon, at katapatan sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Palawan.
Sa isang panayam sa media, sinabi ni PBGen. Rodolfo na isa sa mga pangunahing programa niya na masiguro ang epektibong pagpapakalat ng mga pulis nang sa gano’n ay masunod ang 5-minute response time na inimplementa ni PNP Chief Nicolas Torre III at matiyak ang agarang pagresponde ng mga kapulisan sa mga krimen o iba pang sitwasyong kinakailangan ang tugon ng pulisya.
“Ang programa ko po ngayon ay damihan ang lahat ng pulis na applicable, ilagay na natin sa mga police station so, wala pong dahilan [na hindi masunod ang 5-minute]. Ang kailangan lang po namin [ay] i-enhance ‘yung deployment, ‘yung communications namin, ‘yung radio communications…para makakaresponde po tayo in 5 minutes,” pahayag ni PBGen. Rodolfo sa media.
“So far naman, kumpara doon sa other region, peaceful naman po ang Mimaropa.”
“’Yung ating mga pulis mag trabaho lang kasi ang problema lang naman ay more on crime incidents. So, kaylangan lang may presensya ng pulis,” dagdag pa niya.