Bilang tugon sa hinaing ng mga consumers sa bagal ng data signal sa Narra, magtatayo ang Smart Telecommunications ng ilang karagdagang cell sites sa bayan, ayon sa mga tagapagsalita nito sa nagdaang regular session ng Sangguniang Bayan ng Narra.
Inimbitahan ng lokal na mga mambabatas ang representatives ng Smart na sina Guds Cabrera at Ryan Abadilla sa dinaos na session upang matukoy nito ang mga dahilan ng mabagal at hindi kaaya-ayang serbisyo nito sa mga consumers ng Narra.
Ayon kay Kagawad Francis Atchera, lubhang napakabagal umano ng data connection sa maraming areas at barangay ng Narra kung kaya’t nangangamba ito na baka mahirapan umano ang mga estudyanteng nakatakdang sumabak sa online classes at modular learning sa kanilang munisipyo.
“Ang mahihirapan nito, ‘yung mga estudyante natin. Lalo na’ yung mga papasok sa online class ngayon kasi wala namang stable na internet sa bahay. Tapos pili lang ang mga areas na mayroong maayos na data connection,” ani Atchera.
Sinabi rin nito na maraming barangay sa dulo ng Narra ang hikahos sa signal kung kaya’t hirap makipag-transaksiyon sa mga negosyo, at mahahalagang appointment at emergencies.
“Ako sa barangay namin personally hirap din. Kasi hindi ako maka-contact minsan sa mga transactions ko. Kailangan pa naming lumabas ng bahay at maghanap ng signal,” ani Atchera.
Ayon naman kay Cabrera, bilang tugon ay nakahanda umano ang kanilang kumpanya na magtayo ng ilan pang mga cell sites sa iba’t-ibang bahagi ng munisipyo. Lalagyan din umano ng mga ito ng” free wifi”ang munisipyo.
“Next na natin ‘yung ibang nominations na area sa Narra for free wifi. For now, unahin muna natin na malagyan ng free wifi ang munisipyo,” ani Cabrera.
Sa mga pagpapatayo naman ng cell sites, ayon kay Cabrera, matapos lamang umano ang mga hinihinging requirements ay agad na nilang aaprubahan ito.
“‘Yung Calategas, Burirao at Antipuluan, ayon sa contractor namin, nag-submit na sila ng mga application so approval nalang po,” ani Cabrera.
“Ang kagandahan kasi sa ngayon, by the end of August, may capability na ang PLDT dito. So’ yung ang magiging fixed na connection natin,” ayon kay Cabrera.
Ipinaalam din nito na sa ngayon ay tumatanggap na ng aplikasyon ang sister-company nilang PLDT upang maglagay ng fixed na internet connection sa ilang piling barangay.
“Ang Panacan I, kasama din po sa pioneer. By end of august, may PLDT na. ‘Yun na muna ang magiging wire natin, so fixed na talaga siya,” ani Cabrera.
Discussion about this post