Matapos na walang awang pagbabarilin ang abogadong si Eric Jay Magcamit sa bahagi ng Narra, Palawan ay binuo ng mga kinauukulan ang Special Investigation Task Group (SITG) Magcamit tungo sa pagkakadakip sa mga suspek.
Ito ang ibinigay na update ng noo’y tagapagsalita ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na si PCapt. Ric Ramos na aniya’y nabuo noong Nobyembre 17, 2020, ang araw din na pinaslang ang naturang biktima.
Ani Ramos, base sa nakuhang video sa dashboard camera, habang tinatahak ng biktima ang Sitio Caraniogan ay tinamaan ng bala ng baril ang ibabang kaliwang bahagi ng windshield ng kanyang sasakyan na nagtulak sa kanya upang huminto at bumaba sa kotse.
Nakita rin sa video na nagmula ang putok sa gunman na nakasuot ng blue na baseball cap na may puting BTS marking, transparent eye protector, itim na telang face mask, itim na t-shirt, bughaw na shorts, itim na knee cap (kanang tuhod), puting mga medyas at itim na sapatos.
Ang suspek namang drayber ay nakasuot ng itim na full-face helmet, surgical face mask, puting long sleeve t-shirt, pantalon at sapatos at nakasakay sa kulay bughaw na XTZ Yamaha sports motorcycle na walang plate number.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa mga suspek.
Discussion about this post