Arestado ng Coron PNP ngayong araw ang isang lalaki na suspek sa panggagahasa sa kanyang hipag at pambubugbog sa kanyang kinakasama sa Sitio Bangcuruan, Brgy. Guadalupe, Coron, Palawan.
Kinilala ang suspek na si Eduardo “Edwin” dela Cruz Centeno, 50 anyos, may kinakasama, dating Hagibis member, construction worker, at tubong San Jose, Mindoro na kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar.
Sa spot report na pinost ngayong gabi ng hepe ng Coron PNP na si PMaj. Thirz Starky Timbancaya na naka-address sa Palawan PPO, nakasaad na nakatanggap siya ng tawag kaninang bandang 4:30 am mula sa biktimang si Jennelyn Chiptao, ang kinakasama ng suspek, at humihingi ng police assistance dahil binubugbog umano siya ng nasabing lalaki at tinangkaan pang patayin gamit ang kanyang baril.
Bunsod nito ay agad na tinungo ng team, kasama ang 1st Coy RMFB, ang nasabing lugar at dumating sila sa area dakong 6:30 am na kung saan, sinalubong sila ng biktima at itinuro ang suspek na nasa loob ng kanilang tahanan ng mga sandaling iyon.
Agad namang dinakip ang suspek at nakumpiska sa kanya ang isang homemade/improvised gun na kalibre 32.
Nakasaad pa sa post ng hepe ng Coron MPS na ginahasa rin ng naturang suspek ang kanyang hipag, base sa reklamong nakaabot sa kanilang kaalaman.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Coron MPS ang nasabing suspek at ang nabanggit na baril para sa tamang disposisyon.
Kinakaharap naman ng suspek ang paglabag sa mga probisyon ng RA 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at RA 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act of 2004.”
Discussion about this post