Nakatakdang ilunsad sa lalawigan ng Palawan ang isang tatlong araw na Integrated Immunization Campaign mula Hulyo 23-25, 2024, na pinangungunahan ng Center for Health Development-MIMAROPA, katuwang ang Provincial Health Office (PHO), Department of Health (DOH)-Palawan, Philippine Information Agency (PIA), at mga lokal na pamahalaan.
Isasagawa ang kampanya sa mga barangay ng Aramaywan sa Quezon, Taburi sa Rizal, at Culandanum sa Bataraza, na magbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Kasama sa mga serbisyong inaalok ay ang libreng pagbabakuna laban sa Human Papillomavirus (HPV), Routine Immunization for Children, Bivalent Oral Polio Vaccine (bOPV), at Pneumococcal Vaccine.
Bukod dito, magkakaroon ng nutrition services para sa mga bata at buntis, Malaria screening, at pamamahagi ng Long-Lasting Insecticidal Nets (LLIN) at Oral Rehydration Solutions (ORS). Gagawin din ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) screening upang matukoy ang mga posibleng kaso sa komunidad.
Bilang bahagi ng kampanya, isang puppet show na tumatalakay sa bOPV Supplemental Immunization Activity (SIA) ang isasagawa upang ipalaganap ang kamalayan sa kahalagahan ng polio vaccination.
Ang kampanya ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng mga ahensyang pangkalusugan upang mapabuti ang kalusugan ng mga Palaweño at maiwasan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit.
Discussion about this post