Kinumpirma ng tagapagsalita ng Busuanga LGU na tatlong Locally Stranded Individuals o LSIs ang nagpositibo sa COVID-19 mula sa kanilang bayan.
Isang 47 anyos na lalaki, isang 46 anyos na babae at isang 25 anyos na lalaki na pawang isang pamilya na umuwi sa Busuanga noong June 7 lulan ng batil na MV June Aster mula sa Maynila.
Ayon kay Jonathan Dabuit, ang Municipal Information Officer ng nasabing bayan, ang tatlo ay una nang nagnegatibo sa Rapid Diagnostic Test pero bilang pagsunod sa protocols ng pamahalaan, isinailalim ang mga ito kasama ang iba pang LSIs sa 14-day mandatory facility quarantine at bago pauwiin ay muling isinailalim sa RDT at naging reactive sa IgM ang resulta ng tatlo.
Dahil dito, kinunan anya ng swab sample ang tatlo para sa RT-PCR at lumabas na positibo sila sa nakamamatay na virus.
“Nung June 21 after 14 days from June 7 na dumating sila, nag-RDT sila ulit at it so happened na ‘yong tatlong patients ay nag-positive sa RDT kaya we requested for swab test and nag-positive nga sa COVID-19. Sa polisiya kasi namin, pagdating ay RDT at after 14 days sa facility namin, RDT ulit before ma-release. Pero from municipal quarantine facility, may another 7 days quarantine pa sa barangay bago sila makauwi sa kanilang bahay. Doon naging tama and effective ‘yong system namin na ‘yon na maraming levels ‘yong quarantine just to make sure,” ani Dabuit sa panayam ng Palawan Daily News.
Dagdag pa ni Dabuit na patuloy ang kanilang contact tracing sa ngayon kasama ang van driver at iba pang nakasalamuha ng tatlo noong sila ay umuwi sa bayan ng Busuanga.
“Sa ngayon, ang contact tracing natin dito ay doon nalang diretso sa mga barangay facility natin particularly doon sa mga nakasabay nila. Hindi tayo mahihirapan kasi halos identified na natin lahat kasama na ‘yong van driver nung umuwi sila dito. Actually, 39 pa lahat kasi may mga nauna pa sa kanila doon [quarantine facility] na nag-via 2GO na inabutan nila at will be subjected ngayon sa swab test,” dagdag ng tagapagsalita ng bayan ng Busuanga.
Tutulong din ang medical technicians ng Coron at Culion sa pagkuha ng swab samples mula sa 39 na indibidwal na siya namang ipapadala sa Ospital ng Palawan para sa confirmatory test.
Sa kasalukuyan ay naka-isolate narin anya sa isolation rooms ng Municipal Quarantine Facility ang tatlong COVID-19 patients sa Busuanga na pawang mga asymptomatic at patuloy n amino-monitor ang kanilang kondisyon.
Discussion about this post