Kinumpirma ng Coast Guard District Palawan (CGDP) na isang yate na sakay ang mga umano’y Chinese nationals ang ilegal na dumaong sa Brgy. Concepcion sa Lungsod ng Puerto Princesa pasado 11 pm noong Hulyo 20.
Ayon kay CGDP Commander Allan Corpuz, nakababa ang isa sa mga sakay na napag-alamang ang may-ari mismo ng yate at kinilalang si Dengkang Zhang, 44 taong gulang, at umano’y bibili lamang ng pagkain at gasolina.
“Na-intercept naman siya; hanggang pangpang lang siya. Kasi lupa nila ‘yon, lupa ng company nila na Global Hotel and Apartment Services,” ani Commander Corpuz sa phone interview.
Matapos na maharang ang nagtangkang bumaba at nakabalik sa sinasakyang yate ay agad umano silang pinalayag patungong Honda Bay sa Brgy. Sta. Lourdes, kasama ang PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard. Layon umano nitong mas mabantayan silang maigi at maisagawa ang mga kaukulang hakbang ng pamahalaan.
“Hindi natin sila pahihintulutang makababa. Bale, paiimbestigahan ‘yon, iko-convene ‘yong tinatawag nating Provincial Committee on Illegal Entrance para panagutin sa kanilang mga nalabag na local laws,” dagdag pa ni Commodore Corpuz.
Kinilala naman ang iba pang mga sakay ng nasabing leisure yacht na “Chapts” na sina Xu Yuan Sen, 21 taong gulang; Luo Xiao Giang, 34 anyos; Chen Zhen Gi, 65; Zhou Wei, 35; Chang Liu Ging, 27; Zhao Jian Hui, 37; Lien Nua Wei, 27; Zhao Zhou Yin, 37; at Lou Shui Sheng, 35.
“Undocumented po sila talaga kasi kapag sinabi mong documented ‘yan, may proper coordination sa mga kinauukulan,” ayon pa sa pinuno ng CGDP.
Isa lamang umano ang marunong magsalita ng Ingles sa sampung Tsino ngunit hindi naman umano sila nahirapang makipag-ugnayan sa kanila dahil sa tulong ng isang interpreter.
“No’ng in-interrogate namin sila, sinabi nga nila na ng intensyon lang nila ay makapag-reprovision ng mga pagkain at ng diesel. Ang isa talaga, intensyon niyang bumaba kasi nabigyan natin siya ng kaukulang special residence retirees visa…. Ngayon, misinformed ang Chinese national na [iyon] na akala niya pwede siyang magsama [ng iba pa] pero maski na hindi [sila] bababa, hindi siya pwedeng magsama kasi illegal entry pa rin sila,” giit pa ng head ng Philippine Coast Guard sa Lalawigan ng Palawan.
Nilinaw din ni Comm. Corpuz na kinakailangan pa ring dumaan sa normal na proseso ang sinumang banyagang nagnanais na pumasok sa Pilipinas gaya sa Chinese national kahit mayroon pa siyang hawak na special residence retirees visa.
“It should pass thru the usual process—dapat ‘yan thru DFA pa rin. Ngayon, regarding naman doon sa [naubusan na sila ng pagkain at gasolina], wala naman sanang problema roon kung force majeure o pagre-replenish sila ng pagkain dahil naubusuan habang nagsi-sail, kung dadaong sila sa tamang daungan at magpapaalam sa mga kinauukulan,” paliwanag pa niya.
Aniya, dapat silang dumaong sa mga established ports gaya ng sa Lungsod ng Puerto Princesa lalo pa umano na sa siyudad naman sakop ang pagmamay-aring lupain ng kompanya ng may-ari ng yate.
“Definitely, na-violate nila ang Immigration Law natin and at the same time, ang health protocol na ipinatutupad natin ngayon sa dito sa ating lungsod,” aniya. “….[S]ince may na-violate silang mga batas natin, they should undergo investigation. Of course, sa pangunguna ng Bureau of Immigration, they will facilitate the convening of Provincial the Committee on Illegal Entrance,” ayon pa kay Corpuz.
Dagdag pa niya, posible naman umanong pamamasyal lamang ang totoong dahilan ng paglalayag ng yate na napag-alaman umanong galing sa bahagi ng Tsina na halos katapat lamang ng Hong Kong habang ang may-ari ay maaaring gusto ring ipagmalaki ang nabiling lupain ng kanilang kompanya sa Brgy. Concepcion.
“Ang problema, di sila dumaan sa due process sa pagpasok, baka ma-revoke na ‘yong papel niya siguro [bagamat] di ko lang alam kung ano ang magigingv desisyon ng Bureau of Immigration natin, ayaw kong pangunahan [ang mga desisyon nila],” saad pa niya.
Bandang 6:20 PM naman umano kanina nang makarating ang nasabing mga Chinese nationals sa Honda Bay na patuloy na mahigpit na binabantayan ngayon ng mga kinauukulan.
Samantala, batay sa naunang impormasyon, tiniyak ng Pamahalaang Panlungsod na pinaiimbestigahan na ang umano’y mga Chinese nationals.
Discussion about this post