Isang nakakaalarmang insidente ang naganap noong Linggo, Oktubre 27, 2024, sa biyahe mula Abongan, Taytay papuntang El Nido, Palawan, ayon sa Facebook post ni Karl Jay Baylen, isa sa mga pasahero ng van.
Nagbahagi si Baylen ng karanasan nila, kung saan nakaranas ang labindalawang sakay ng matinding takot matapos magkaroon ng problema ang kanilang sinasakyang van. Bandang 5:50 ng hapon nang magsimula ang biyahe, kasama ang apat na dayuhang turista, gamit ang van mula sa kilalang transport company sa Palawan.
Ngunit bago pa man makapasok sa bayan ng Taytay, biglang bumagal ang takbo ng van at tumunog ang makina nito, na agad na nagdulot ng pag-aalala sa mga pasahero.
Bandang 7PM ng gabi, habang nasa Brgy. Bagong Bayan sa El Nido, biglang huminto ang van sa gitna ng kalsada at naglabasan ang usok mula sa likod ng sasakyan, na mabilis na pumuno sa loob ng van.
Agad itong nagdulot ng takot sa mga pasahero, na kinatakutang magliyab o sumabog ang sasakyan. Bumaba kaagad ang driver ngunit hindi agad binuksan ang pinto para sa mga sakay; isang pasahero sa harapan ang siyang nagbukas ng pinto upang makalabas ang iba pa.
Ayon pa sa post ni Baylen, bago pa man ang insidente, problema na raw ang makina ng van at napilitang patayin ang aircon nito, ngunit imbes na ihinto ang biyahe, pinayuhan lang umano ang driver ng may-ari ng van na magmaneho nang dahan-dahan. Dahil dito, nagtaka at naguluhan ang mga pasahero kung bakit hindi nila kaligtasan ang inuna.
Ligtas na nakarating ang mga pasahero sa El Nido matapos silang makasakay sa pampasaherong bus na dumaan bandang 8PM ng gabi. Gayunpaman, nag-iwan ito ng trauma sa mga pasahero, lalo na sa mga dayuhang turista.
Discussion about this post