Vice Mayor Feliciano sa Calmia: ‘Bakit kailangang mag-coordinate? May titulo ba sila doon?’

Vice Mayor Atty. Mary Jean Feliciano

Ito ang isa sa mga naging pahayag ni Brooke’s Point Vice Mayor Mary Jean Feliciano matapos sabihin ng Legal Counsel ng Calmia Nickel Inc. na kakulangan umano sa coordination sa management ng kumpanya ang naging dahilan kung bakit hindi ito unang pinapasok sa Sitio Linao, Barangay Ipilan, kung saan nakatakdang isagawa ang kanilang operasyon.
Matatandaan na nito lang Marso 30 nang harangin ng mga security personnel ang bise alkalde na nais lamang sanang bumisita sa mga katutubo sa Sitio Linao. Gayunpaman, hindi rin nagtagal ay pinayagan din siyang makapasok.
Aniya, public land umano ang naturang lugar at hindi na kinakailangan pang humingi ng permiso mula sa naturang kumpanya para makapasok dito.
“Ang tanong ko bakit kailangang mag-coordinate? Diba may kalayaan tayo na pumunta kahit saang lugar. May titulo ba sila doon? Eh public land ‘yon eh, timberland,” pahayag ng bise alkalde sa panayam sa kaniya ng news team.
Sa naunang pahayag kasi ni Atty. Janine Latosa, Legal Counsel ng Calmia, sinabi nito posibleng naging dahilan kung bakit hindi agad-agad pinapasok ng mga guwardiya ang bise alkalde ay dahil sa wala umano itong tamang koordinasyon sa kanilang pamunuan.
“Yung nangyare po kay Vice Mayor Jane wala lang po sigurong proper coordination sa management ng kumpanya at syempre po ‘yung mga security naman namin eh standard protocol [at] sinusunod lang naman din po nila ang trabaho nila,” pahayag ni Latosa sa isang press conference noong April 13.
Ayon pa kay Latosa, naghigpit umano ang kanilang kumpanya ng seguridad sa lugar dahil sa umano’y mga natatanggap nilang pagbabanta, kabilang ang banta nang pagsusunog sa kanilang mga equipment.
“Naging desisyon po ‘yon ng management dahil sa mga pagbabanta na natanggap ng kumpanya. May mga nasabe na salita katulad ng ‘susunogin dw nila ang mga equipment’ kaya naman po syempre hindi naman pwede na ipagsawalang-bahala yon ng kumpanya kaya nagdagdag kami ng additional security at kunting paghihigpit doon sa area.”
Buwelta naman ng bise alkalde, “Ano tingin nila sa akin? Maninira ng equipment? Eh concern lang ako sa aking mga constituents at sina Panglima Paida at talagang nag-reach out sila sa akin.”
Samantala, iginiit din ng bise alkalde na kung responsableng minero ang CNI ay dapat nitong ipakita na hindi sila basta-basta magsasagawa ng anumang operasyon sa Barangay Ipilan nang hindi nakukumpleto ang mga permiso, kabilang na dito ang Mayor’s permit mula sa lokal na pamahalaan.
Exit mobile version