Nilinaw ng Land Transportation Office-Palawan District Office na walang nangyayaring palakasan para makakuha ng slot para sa libreng 15 oras na theoretical driving course sa kanilang tanggapan.
“Paano pa namin magawang mayroong maisingit kami eh yung pagsagot mo lang sa message doon [sa Facebook page] ay makita mo pa na bina-bash ka, anyway ganyan lang ang buhay.” Ayon kay Antonia Dela Cruz, LTO-Palawan Head.
Sa ngayon ay itinigil muna ang pagtanggap sa mga nais pa magpa-schedule dahil puno na ang ilang buwang slots para sa nasabing aktibidad. Paraan umano ito para maiwasan na matambakan sila ng mga aplikante hanggat wala pang ibinababang kautusan ang kanilang punong tanggapan kung kailan ito ipatitigil.
“Hindi nga namin alam [kung hanggang kilan sila tatanggap ng aplikante], hanggat wala namang inuutos sa amin. Kaya lang, doon kami naaalarma naman. What if schedule lang kami ng schedule tapos wala pa kaming natatapos. We better to finish muna ng ilang mga months. Tapusin muna hanggang [yung mga naka-schedule sa buwan ng] May para mayroong output tayo, saka mag-announce for other applicants or yung mga interested mag-avail ng free lecture so yun lang naman pakiusap namin,”
Ayon naman kay Gavin na taga Barangay Sicsican, umaasa umano siya na muling magbubukas ang schedule nito para mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng lisensya.
“Sana open na sila muli sa pag-schedule, sayang din kasi kapag sa private mahal nasa P 1,500-P1,800 depende pa sa driving school. Malaking kaluwagang sana ito lalo na kailangan ko yan para magkaroon ng student license.”
Base sa talaan ng LTO-Palawan ay nasa 144 na indibidwal ang nakapag-avail ng kanilang programa na kung saan 12 katao ang naka-schedule kada araw at bubuniin ng mga ito ang 15 oras na driving course para sa student license sa loob ng apat na araw.
Discussion about this post