ROMBLON, Romblon, Dis. 12 (PIA) — Sa Enero 2019 pa nakatakdang simulan ng National Food Authority (NFA) dito sa lalawigan ng Romblon ang implementasyon ng Suggested Retail Price (SRP) sa bigas.
Ito’y matapos na makipagpulong ang NFA Romblon sa mga millers, retailers, traders at iba pang stakeholders sa isla ng Sibuyan, Romblon at Tablas noong Nobyembre.
Sa panayam ng PIA-Romblon kay Rowena Maduro, Administrative Aide III ng NFA Romblon, sinabi nito na kailangan nang ipatupad ang pagtatakda ng SRP sa bigas dahil mahigit isang buwan na itong ipatupad sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naantala lamang aniya ang pagpapatupad nito sa lalawigan ng Romblon sapagkat nakiusap ang mga negosyante na uubusin muna nilang ibenta ang kanilang stock na bigas na kanilang nabili sa mas mahal na presyo.
Layunin ng pagtatakda ng SRP ay upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantalang negosyante na nagpapataw ng labis kaysa sa umiiral na presyo.
Magkakaroon aniya ng uniform price tag na color coded kung saan naka- specify ang presyo ng bigas depende sa klase nito.
Nasa P39 ang SRP sa regular milled rice (white tag), P44 sa well milled rice (white tag), habang P47 sa premium rice (yellow tag) at wala namang SRP sa special rice pero hindi na ito dapat lagyan ng variety.
Ayon pa kay Maduro, nakipagpulong na ang kanilang ahensiya sa Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine National Police (PNP) para mayroon silang close coordination sa mga ito kapag ipinatupad na ang SRP sa bigas.
Maliban sa SRP ay napag-usapan din sa ginawang pagpupulong ang hinggil sa kulang na timbang ng bigas na nabibili sa mga mapagsamantalang miller. at kung paano masasawata ang mga ito.
Hinihiling din ng National Food Authority (NFA) ang tulong ng mga local government units (LGUs) sa lalawigan ng Romblon na i-monitor ang mga negosyante sa kanilang nasasakupan kung naipapatupad ba ng mga ito ang Suggested Retail Price (SRP) sa bigas.
Aminado kasi ang ahensiya na hindi sa lahat ng pagkakataon ay mababantayan nila ang mga negosyante sa 17 bayan dahil sa kakulangan nila ng tauhan.
Nagbabala rin ang opisyal sa mga magsasamantalang negosyante na maaari silang pagmultahin ng mula sa P2,000 hanggang P1 milyon, at maaari pang makulong kung mapapatunayang may pagkakasala. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)
Discussion about this post