LUNGSOD QUEZON — Itinaas ng Visayas Pagasa Regional Service Division ang Orange Warning Level sa katimugang Palawan partikular sa mga bayan ng Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Espanola at Narra.
Kapag naitaas ang Orange Warning Level sa isang lugar, ayon sa DOST-Pagasa, dapat paghandaan ng mga kababayan ang malakas na pagbuhos ng ulan na maaring magdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar at pagguho ng lupa sa mga dalisdis o kaya sa mga bulubundukin.
Kabilang sa ihahanda ay ang emergency kit, go bag o kaya ay emergency balde na dadalhin kung sakaling kakailanganing lumikas.
Ang babalang Orange Warning Level ay batay sa pagbasa ng DOST Pagasa sa radar at iba pang datos pang-metrolohikal.
Sa weder forkast ng DOST-Pagasa nitong Huwebes ng hapon, kinumpirma ni Weather Specialist Samuel Duran na maapektuhan ng bagong Low Pressure Area (LPA) ang lagay ng panahon sa Palawan at sa Mindoro.
Dahil sa LPA, ang Palawan at Mindoro ay inaasahang makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Huling namataan ng DOST-Pagasa ang LPA kaninang ika-3 ng hapon sa layong 130 kilometro kanluran ng Calapan City.
Ang nalalabing bahagi ng Mimaropa, Metro Manila, Gitnang Luzon, Katimugan Luzon, Kabikulan at Kabisayaan ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dulot naman ng Habagat.
Pinag-iingat pa rin ng DOST-Pagasa ang mga kababayan sa mga nabanggit na lugar dahil posibleng madulot din ng pagbaha at pagguho ng lupa ang ulang hatid ng habagat.
Hinihikayat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga kababayan na makipag-ugnayan palagi sa kani-kanilang disaster risk reduction and management office para sa mga hakbangin na makakaiwas sa pagkamatay o kaya ay pagkasira ng mga ari-arian. (Lyndon Plantilla/PIA /DOST-Pagasa)
Discussion about this post