Umaabot na ngayon sa 29,597 ang bilang ng evacuees sa buong rehiyon ng MIMAROPA base sa Consolidated Partial Report ukol sa bagyong “Rolly” ng Police Regional Office (PRO)-MIMAROPA kaninang 12nn. Batay sa ibinigay na situational report ni PRO MIMAROPA spokesperson, PLtCol. Imelda Tolentino, sa nasabing bilang ng mga nag-evacuate ay nasa 9,373 ang mga pamilyang apektado.
Dahil din sa bagyo ay kinansela ng mga kinauukulan ang lahat ng paglipad ng mga eroplano at mga paglalakbay-dagat. Buhat nito ay 1,668 na ang naitalang mga stranded na pasahero, habang 114 ang stranded ang sasakyan at 86 naman ang mga bangka.
Sa kabila ng mga naiulat pangyayari ay wala pa namang binabahang lugar at nadadaanan pa ang lahat ng mga daan sa oras na iniulat ang impormasyon.
Samantala, isang tao ang naitalang nawawala sa lalawigan ng Marinduque. Sa kabutihang-palad naman ay walang naiulat na namatay at napinsala.
Dagdag pa sa ulat ng PNP MIMAROPA, nasa 22 na lugar sa Occidental ang naitalag nawalan ng elektrisidad. Sa kabutihang-palad ay wala umanong naganap na nakawan sa mga iniwang kabahayan ng mga lumikas dahil sa bagyo.
Sa ngayon ay inihanda ng mga kinauukulan ang 675 evacuation centers sa buong rehiyon para sa kalamidad. Nagtalaga rin ang PNP ng 69 Search and Rescue (SAR) personnel habang 92 naman ang naka-standby na SAR Personnel. Nasa 54 pulis naman ang nagpapatrolya sa mga evacuated community. Wala ring naitalang apektadong PNP personnel sa kasalukuyan.
Discussion about this post