ROMBLON, Romblon — Wala ng buhay at may tama ng pana sa ulo ang isang pawikang natagpuan ng mga residente sa Barangay Li-o sa bayan ng Romblon, Romblon ngayong hapon.
Ayon kay Harold Catajay, tinatayang kasing laki ng isang palanggana ang pawikan at may timbang na halos nasa 70kg.
Mahigit 3 araw na umano itong napapansin nilang palutang-lutang sa dagat sa kanilang Barangay ngunit hindi nila pinansin hanggang sa makita nalang kaninang inanod sa dalampasigan at may tama na ng pana.
Ipinaalam na rin umano ng mga residente sa Municipal Agriculture Office ng Romblon, Romblon ang nangyari sa nasabing pawikan.
Agad namang inilibing ang pawikan sa tabi ng dagat dahil nasa decomposition state na ito.
Mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli ng pawikan sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Kulong at multa ang kahaharapin ng mga lalabag sa batas.
Discussion about this post