Nakapagtala na ang Provincial Health Office (PHO) ng Palawan ng apat na namatay mula sa tatlong munisipyo dahil sa dengue. Ayon kay Disease Surveillance Officer Lorna Loor ng Provincial Health Office, dalawa sa mga ito ay naitalang namatay sa bayan ng Balabac, isa sa Brooke’s Point at isa sa bayan ng Dumaran.
Ngayong taon, lumobo ng halos 281.36% ang mga nagkasakit ng dengue o katumbas ng 1,228 simula Enero hanggang buwan ng Setyembre kung ihahambing sa parehong panahon na nakapagtala ng 322 dengue cases lamang.
Sa pagpasok ng buwan ng Setyembre nadagdagan pa ng 10 o umabaot na ng 1,338 ang kaso ng dengue sa Palawan base sa datus na hawak ng PHO. Sa kabuuang bilang ng kaso ng nagkasakit ng dengue, 79.30% rito ay na-admit sa iba’t ibang pampubliko at pribadong hospital samantalang 20.70% rito ay nagamot sa rural health units.
Ang Northern Palawan Provincial Hospital (NPPH) ang pinakamaraming namonitor na kaso ng mga na admit na pasyente dahil sa sakit na dengue na umabot ng 205. Ayon kay Loor, namonitor nila na mas lalong tumaas ang kaso ng dengue dahil sa naranasang pag-ulan sa Palawan.
Mula sa 63.45% ng classified o probable case ng mga na-admit sa hospital, 4.48% rito ang nakumpirmang nagkasakit ng dengue. Majority sa bilang ng mga nagkasakit ay lalaki na nagsisimula sa edad na 3 months hanggang 89.
Ang “Top 5” municipalities sa may pinakamaraming nagkasakit ng dengue ay ang bayan ng Taytay na umabot ng 164, sumunod ang Dumaran 129, Brookespoint 114 At Bataraza 110. Samantala dito naman sa lungsod ng Puerto Princesa, pito na ang naitalang namatay dahil sa sakit na dengue.
Umabot na rin ng 606 ang kaso ng mga nagkasakit simula Enero hanggang nitong buwan lamang ng Agosto kung ikukumpara sa 172 cases noong nakaraang 2017 sa parehong panahon. Ang top 10 bgys sa Puerto Princesa na may naitalang mataas na kaso ng dengue ay ang barangay San Pedro- 76, San Jose- 62, San Miguel-60, San Manuel-43, Sicsican -39, Sta Monica- 37, Tiniguiban -36, Bancao – Bancao -34, Mandaragat -19 at Bagong Silang 18. Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga nagkakasakit ng dengue sa lungsod at lalawigan, ayon sa mga health officials kailangan ang sama samang pagkilos hindi lamang ng mga ahensiya ng gobyerno kundi lalo na ang komunidad para maiwasan pa na may maitalang kaso ng mga nagkakasakit ng dengue at maiwasan ang mayroon pa ulit na bawian ng buhay dahil sa sakit.
Samantala, patuloy naman na hinihikayat ng Red Cross Palawan chapter ang mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa at lalaiwgan ng Palawan na mag-donate ng kanilang dugo lalo na ngayon na mataas ang pangangailangan ng platelet concentrate dahil sa tumataas na kaso ng dengue.
Ayon kay Chapter Adminsitration Vic De Leon Ng PRC – Palawan Chapter, ang platelet concentrate ay tumatagal lamang ng limang araw. Apat hanggang 12 units ng platelet ang inire-request ng isa pa lamang na pasyente na dinapuan ng dengue kaya kinakailangan na mas marami ang makapag donate ng dugo.
Tiniyak ni De Leon na sapat ang stock ng iba pang component ng dugo gaya ng whole blood at fresh frozen plasma (FFP) dahil narin sa tuloy-tuloy na programa ng red cross. Para naman aniya matugunan ang pangangailangan ng “platelet concentrate” ay tuloy-tuloy ang mga isinasagawang blood donation ng red cross sa tulong ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno at mga non- governmental organizations.
Discussion about this post