Nilinaw ng Sangguniang Bayan ng Narra na hindi sila ang dapat sisihin sa delayed na sahod ng ilan sa 348 job-order employees ng nasabing munisipyo kaninang umaga, Disyembre 2, sa flag ceremony ng mga opisyal at empleyado ng munisipyo.
Matapos ang naganap na flag ceremony, nagsalita si Narra Vice-mayor Crispin Lumba at ipinaliwanag kung bakit ilang buwan nang delayed ang sahod ng iilang job-order na empleyado.
“Kaya hinanapan namin kayo ng kontrata kasi noong September, kung maalala ninyo, sinabi ko na siguraduhin ninyo na kayo na nagtrabaho ay may pinirmahan kontrata,” ani ni Lumba.
“Sinabi ko rin kay Edna (Municipal Budget Officer) na siguraduhin na ang pinirmahan na kontrata ay may kaakibat na approved budget ito para hindi tayo ma-technical,” dagdag ni Lumba.
Bagaman ang ilan dito ay nakatanggap na ng suweldo mula sa kanilang mga opisina, 85 pa raw sa mga ito ay hindi pa nakakatikim ng sahod mula pa noong Setyembre.
Ayon din kay Lumba, isang rason din ng pagka-delay ng sahod ng mga mangagawa ay ang kawalan ng kontrata ng mga ito.
Ipinaalam din ng bise-mayor na sila ay nakatanggap ng supplemental budget request noong Oktobre na nagkakahalaga ng P2.2-milyong piso, subalit, ito ay hindi sasapat sa 348 na job-order employees na kinakailangan ng nasa P2.9-milyong piso upang mapasuweldo ng kanilang pinagtrabahuan sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre.
Inaksiyonan umano ito ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan at ipinaalam kay Narra Mayor Gerandy Danao ang sitwasyon. Agad din nila itong inaprubahan, subalit, sa kadahilanang kulang ang supporting documents patungkol sa supplemental budget requests, kanila itong ibinalik sa opisina ng Municipal Budget Office at iba pang opisina.
“Tiningnan natin, ang budget sa pasahod na kailangan ng 345 JO’s ay nasa P2.9-milyon during that time. Nagkausap na kami nila mayor, ang sabi aayusin. Ibinalik nila sa amin ito noong November, naging P2.4 milyon supplemental budget para sa sahod. 348 ang total JO’s natin, 85 sa mga ito ang wala pang budget kaya inaprubahan natin. Pero mayroong kondisyon na hindi pa naibaba, ‘yung ordinansa na dapat kompleto ang mga supporting documents kasi ang supplemental budget, hindi puwedeng lansome appropriation,” ani ni Lumba.
Giniit din ni Lumba na ang Narra SB ay hindi nagkulang ng paalala sa mga opisinang nag-aasikaso ng pasahod na ipaalam kay Mayor Danao na ang supplemental budget requests para sa pasahod ng mga mang-gagawa ay makakapag-pasahod mula Setyembre hanggang Oktobre 30 lamang.
Samakatuwid, walang sapat na budget ang munisipyo ng Narra na makapag-pasahod mula sa buwang ng Nobyembre hanggang Disyembre.
Ayon naman kay Narra Municipal Budget Officer Edna Escobañez, ang supporting documents na tinutukoy na rason kung bakit hindi pa naibaba ang supplemental budget requests ay ang resolusyon na dapat mangagagaling sa Municipal Development Council (MDC) patungkol sa 20% supplemental budget appropriation na siya namang pagkukunan ng pasahod.
Dagdag niya, bago pa man mag sumite ng requests sa SB ang kanyang opisina, ipinaalala na nila ito sa iba pang opisina kagaya ng MDC.
“Bago pa man kami nag submit ng request sa SB, ipinaalam namin sa mga concerned offices na mag submit na sila ng resolution sa kasi alam namin na kailangan yan ng SB.
So nakaraan nagkausap kami ni Engr. Billones ng MDC na kulang yung nailagay nila doon sa resolution nila. ‘Yung part ng MDC at MDRR yun ang hinihintay ng SB,” ani ni Escobañez.
Samantala, ayon naman kay Engr. Dennis Billones ng MDC, nagkaroon ng diperensya sa parte nila ng hindi umano nila naisama sa agenda ang pag-gawa ng resolution tungkol sa budget approriation sa nangyaring pagpupulong sa kanilang opisina noong Nobyembre 25.
“So noong November 25, kami ay nagkaroon ng MDC, may mga resolution na hindi naisama sa aming agenda. Parang doon nagkaroon ng deperensya,” ani ni Billones.
Nangako din ito na kanilang aayusin ngayong araw ang mga kulang na dokumento upang patuloy nang lumakad ang budget process at makapag-pasahod na ang munisipyo sa 85 JO employees nito na mula pa noong Setyembre ay hindi pa nakakatanggap ng suweldo.
Ayon naman kay Narra Mayor Danao, hindi na dapat magsisihan pa ang bawat isa, bagkus dapat magkaisa upang masolusyunan ang problema.
“Wag tayong magsisihan, nangyari na yan. Ang masasabi ko kung sino ang may kakulangan punuan nalang natin. Sa nakikita ko kasi, kapag naka-baon kana mas lalo ka pang ibabaon. Wag ganoon. Isang pamilya tayo, magtulungan tayo dito,” ani ni Danao.
Sa ngayon ay inaasahang maibibigay na ang sahod mula Setyembre hanggang Oktobre ng mga mang-gagawa sa naturang munisipyo.
Discussion about this post