Kakasuhan na ang sinumang lalabag sa mga batas na may kinalaman sa COVID-19 ang sinumang residente ng bayan ng Busuanga partikular na ang mga lumalabas sa nasabing bayan patungo sa ibang probinsya para magdala at magbenta ng kanilang mga kalakal nang walang sapat na mga dokumento.
Ayon kay Municipal Information Officer Jonathan Dabuit, layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng lahat laban sa banta at posibleng pagkalat ng virus sa Busuanga na ngayon ay mayroong isang aktibong kaso ng COVID-19.
Sinabi pa ni Dabuit na nagkaisa ang lahat ng opisyales sa kanilang bayan sa pagpapatupad nito na pinagtibay naman ng Municipal Task Force on COVID-19 kasama ang Liga ng mga Barangay matapos ang pulong sa pangunguna ni Mayor Beth Cervantes.
“Tayo naman ay more than willing to help at si LGU ay naiintindihan ang ating mga kababayan na may pangangailangan para sa paghahanap-buhay. Pero kami naman sa LGU, naka-antabay naman sa kanila sa pages-secure ng mga papeles kung kinakailangan nilang lumabas ng Palawan. Ang importante kasi dito ay maging ligal ang lahat para namo-monitor namin ang lumalabas at pumapasok sa Busuanga kahit pa mga kababayan namin,” ani Dabuit sa panayam ng programang Chris ng Bayan sa Palawan Daily Online Radio.
Binigyang-diin din ng opisyal na ito ay para lamang doon sa mga lumalabas ng Palawan at umuuwi sa Busuanga mula sa ibang probinsya tulad ng Mindoro, Cebu at iba pa para magnegosyo at hindi kabilang ang pumupunta lang sa ibang munisipyo.
“Linawin lang po natin, ito ay para lang sa mga kababayan namin na nagde-deliver ng halimbawa mga isda at iba pa sa labas ng Palawan. ‘Yong mga pupunta ng Puerto Princesa, Coron at iba pa ay wala naman pong problema basta sinusunod lang nila ang minimum health requirements like wearing of face mask, maintain social distancing at iba pa,” dagdag pa nito.
Nakiusap din si Dabuit sa kanilang mga kababayan na sumunod na lamang sa ipinatutupad nila at huwag nang subukan pa ang batas dahil ipatutupad anya nila ito ng walang kompromiso.
Discussion about this post