Dalawang lalakeng lulan ng kanya-kanyang motorsiklo ang idineklarang dead on arrival matapos magkabanggan ganap na 5:40 ng hapon, Disyembre 16, sa National Highway, Barangay Alfonso XIII, Quezon, Palawan.
Ayon sa spot report mula sa mga awtoridad, kinilala ang mga ito bilang sina Odin Segay, 66-anyos, residente ng Barangay Tabon, Quezon, Palawan at si Jaime Namuco, 35-anyos at residente ng Purok Kaunlarin, Barangay Calategas, Narra, Palawan.
Base sa imbestigasyon, sakay ng kanyang motorsiklo si Segay na patungo sana ng Puerto Princesa mula sa bayan ng Quezon nang bigla umanong nakabanggaan nito sa lugar ng insidente si Namuco na papunta naman sa Quezon galing Narra. Dagdag ng spot report, pareho umanong mabilis ang takbo ng dalawang magkabilang panig.
Bilang resulta, nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawa na sinubukan pang isugod sa Quezon Medicare Hospital subalit bago pa man makarating sa pagamutan ay idineklara nang DOA ng espesyalista.
Hindi pa matukoy nang mga awtoridad ang halaga ng pinsala sa sasakyan ng dalawa na ngayon ay naka-impound na sa Quezon Municipal Police Station para sa tamang disposisyon.
Discussion about this post