Napaiyak umano si dating Palawan Vice Governor David Ponce de Leon matapos malaman na laban sa kanya ang desisyon ng Sandiganbayan kaugnay sa kasong estafa through falsification of publc documents at pinapatawan ito ng 20 taong pagkakabilanggo.
Ayon kay Palawan 1st District Board Member David Francis Ponce de Leon Jr. ngayon niya lamang nakitang umiyak ang kaniyang ama nang malamang guilty ang hatol ng korte. Naninidigan pa din daw ang kanyang ama na hindi ito sangkot sa anumang kurapsyon sa gobyerno.
Posible raw na isiningit lamang sa mga pinipirmahan niyang dokumento ang mga dinoktor na resibo.
Tiniyak niya rin na maghahain sila ng apela para mabaliktad ang naging desisyon ng korte laban sa kaniyang ama. Samantala, ibinunyag naman ni Ponce de Leon na pulitika ang dahilan kaya sinampahan ng kaso ang dating bise-gobernador dahil nauna na raw itong na-dismiss sa Commision on Audit o COA pero tila may isang tao diumano’y nagpursige ng pagsasampa ng kaso.
Tumanggi naman si Board Member Ponce de Leon na pangalanan kung sino ang sinasabi niyang nasa likod ng pagsasampa ng kaso laban sa kaniyang ama.
Matatandaang noong Enero 18, 2019 ay inilabas ng Sandiganbayan ang desisyon kung saan mahaharap sa 20 taong pagkakabilanggo si dating Palawan Vice Governor David Ponce de Leon dahil sa kasong 2 counts of estafa through falsification of public documents kasama ang ilan pang kawani ng provincial government dahil sa pag-falsify sa mga resibo.
Ayon sa 77 pahinang desisyon, napatunayang guilty ang bise gobernador dahil sa halip na P2,975.50 lang ang babayaran sa Badjao Sea Front noong July 29, 2001 ay naging P12,975.50.
Ang isa namang kaso ay dahil sa binagong resibo na sa halip P343.11 lamang na halaga ng meals & snacks sa The Legend Hotels International Corporation ay naging P205,000.
Maliban kay Ponce de Leon ay makukulong din ng 20 taon si dating Executive Assistant Adonis Grande at 10 taon naman kay dating Audit Analyst Anita Salas. Sa ngayon ay nanatiling nakakalaya si Ponce de Leon matapos maglagak ng kaukulang piyansa.
Discussion about this post