EL NIDO, PALAWAN — Hindi na pipirmahan ni Mayor Nieves Rosento ang ipinasang resolusyon ng Sangguniang Bayan para sa pagdeklara at pagsasailalim ng bayan ng El Nido sa state of calamity.
Ayon kay Municipal Administrator Rene Jay dela Calzada, lumabas sa ginawa nilang assessment na hindi naabot ng El Nido kahit dalawa lang sa mga dapat na pagbatayan sa pagdeklara ng state of calamity ng isang lugar kaya hindi na ito itutuloy ng pamahalaang bayan.
Isa sa criteria ay dapat 20 percent ng populasyon ng isang lugar ang lubhang naapektuhan ng kalamidad at 20 percent naman sa kabuuan ng lupaing agrikultura ang nasirang mga pananim.
“Kailangan kasi natin at least two criteria. Nakita sa initial assessment natin na hindi naman siya totally na-isolate ang mga areas. Mayroon din naman tayong enough pondo na magagamit,” paliwanag ni Dela Calzada.
Dagdag pa nito, totoong halos 25 percent ng kanilang populasyon ang naapektuhan ng pagbaha nitong nakaraang linggo ngunit ang mga ito ay hindi rin nagtagal sa mga evacuation centers.
Mayroon ring binahang mga palayan pero hindi naman umano masyadong nababad sa tubig baha ang mga tanim kaya halos wala umanong malaking pinsala ang naidulot nito sa mga magsasaka.
Sinabi ni Dela Calzada na mayroon naman magagamit na pondo ang munisipyo para sa mga relief operations sa mga naapektuhang residente gamit ang savings ng pamahalaang bayan.
Discussion about this post