Patay ang isang lalaking magsasaka matapos bumangga ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang truck sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Malihud, Bataraza, Palawan, nitong Hulyo 27, pasado alas-7:00 ng gabi.
Natukoy ang biktima na si alyas “Chiko”, 37 taong gulang, at residente sa nabanggit na barangay.
Kinilala naman ang drayber ng drop side truck na si alyas “Rey”, 39 taong gulang, negosyante, at residente ng Brgy. Marangas, sa parehong bayan.
Batay sa imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), habang binabagtas ng truck ang kahabaan ng Brgy. Malihud patungong norte, bigla umanong sumulpot sa kalsada ang biktimang si alyas “Chiko” dahilan upang mabangga ito. Sinubukan pang huminto ng drayber ng truck ngunit hindi na nito naiwasan ang biktima.
Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si alyas “Chiko” na agad namang isinugod ng mga rumespondeng kawani ng MDRRMO sa Bataraza District Hospital para sa agarang medikal na atensyon. Sa kasamaang palad, idinekrala ring dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor ang biktima. Nasa maayos naman na kalagayan ang drayber ng truck.
Kaugnay nito, nasa kustodiya na ng Bataraza MPS ang mga sangkot na behikulo para sa tamang disposisyon.