Maswerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang mangingisda na ilang oras ring nagpalutang-lutang sa karagatan na sakop ng Barangay Tigman sa bayan ng Narra,matapos tumaob ang kaniyang bangkang de motor kaninang umaga, Augsut 29.
Nasagip si Eduardo Sablaon, 42 anyos, may asawa at residente ng Purok Masipag Barangay Antipuluan bayan din ng Narra.
Ayon sa kaniya, bandang alas-tres ng madaling araw ng siya ay pumalaot para manlabat ng isda, nang kaniya na umanong aahunin ang lambat ay bigla na lamang naputol ang katig ng kaniyang bangka.
Dahil dito ay nagdesisyun siyang umuwi na lamang subalit dahil sa lakas ng alon, ulan at hangin ay tumaob ito.
“Para makaligtas ay itinali ko ang sarili ko sa Bangka,” ani ni mang Edauardo.
Nilakasan niya umano ang kaniyang kalooban para makaligtas sa trahedya.
Kuwento pa niya, mga bandang alas-8 na ng umaga nang siya ay marescue ng mga dumaraang mga mangingisda na maswerte namang nakatira rin sa kanilang barangay.
“Nagpapasalamat ako sa kanila dahil tinulungan nila ako” dagdaga pa niya.
Sinabi pa ni Sablaon na sinibukan pa sanang hilahin ang kaniyang bangka subalit tumama ang elesi sa bangkang de motor ng mga mangingisdang tumulong sa kaniya kaya nabutas ito ng bahagya. Dahil dito ay nagdsisyun silang iiwan na lamang ito sa karagatan.
Sa ngayon humihingi ito ng tulong sa gobyerno para magkaroon muli ng bangkang pangisda para mabuhay niya ang kaniyang apat na anak.
Discussion about this post