Sa pamamagitan ng isang “Mobile Awarding ceremony”, mararanasan pa rin ng mga batang mag-aaral sa Bayan ng Brooke’s Point ang tradisyunal na paraan ng pagtatapos kahit sa gitna ng limitadong galaw dala ng pag-iingat kontra COVID-19.
Sa impormasyong ibinahagi ni Principal Maribeth Guiang ng Southern Palawan Christian Academy of the Philippines, Inc. (SPCA) sa Bayan ng Brooke’s Point, Palawan, binanggit niyang nabuo nila ang “School Year End Mobile Awarding” upang sa ganoong paraan man lamang ay maparangalan ang mga bata sa mga nakamit nilang karangalan kahit na di sila makalabas ng kanilang mga tahanan.
“Gumawa po kami ng aming Stage-on wheels’ para mapuntahan ang mga bahay ng aming mga students [na] pre-elementary po and elementary (Grades 1-3). All in all, target po naming mapuntahan ang lahat ng almost 160 students namin [and] since di po pwede lumabas ang mga bata [ngayon], kami na lang po ang pupunta [sa kanila] para personal na i-award ang mga medals nila,” ayon pa kay Principal Guiang.
Tiniyak din ng pamunuan na sinusunod nila ang mga healthy measure na ipinatutupad ng DOH kagaya ng pagsusuot ng facemasks, physical distancing at paggamit ng alcohol bago at pagkatapos ng awarding ceremony.
Samantala, sinimulan ng SPCA ang nabanggit na programa noong Hunyo 4, araw ng Huwebes, at magtuloy-tuloy pa hanggang ngayong linggo upang mapuntahan ang lahat nilang mga mag-aaral.
Discussion about this post