RIO TUBA, BATARAZA — Isang lalaki na sakay ng motor banca na lumubog sa karagatang nasasakupan ng munisipyo ng Bataraza ang nasagip ng mga tauhan ng coastguard substation sa Rio Tuba matapos siyang hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin noong araw ng Lunes, Setyembre 3.
Sa report ng Philippine Coast Guard, ang nasagip ay kinilalang si Regino Celedonio, 39 anyos at residente ng Sitio Marabahay sa Barangay Rio Tuba.
Si Celedonio ay sakay ng motor banca na may pangalan na “Rens Edward” at nagmula ito sa Sitio Marabahay upang magtungo sana at bisitahin ang kanyang mga kamag-anakan sa Barangay Bancalaan sa Bayan ng Balabac.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang PCG matapos na humingi ng tulong ang asawa ni Celedonio na si Jojie Bustamante.
Nabatid na nasa maayos na kondisyon si Celedonio ng masagip ng mga tauahan ng PCG.
Hinila naman ng rescue boat ng coastguard ang bangka nito na nalubog sa tubig patungo sa kanilang lugar sa Sitio Marabahay.
Mahigpit na nagpaalala ang PCG sa mga mangingisda na huwag ng pumalaot kung masama ang panahon.
Discussion about this post