Nagsagawa na ng imbestigasyon ang pamunuan ng Philippine Coast Guard Brooke’s Point Station kaugnay sa gulo na kinasangkutan ng kanilang miyembro na nakilalang si MC Lozada.
Matatandaan na naging viral ang video na umano’y ginawang panggugulo at pagbanta sa buhay ng dancerist na nakilalang si Maroe Vargas na residente ng bayan ng Narra, habang ito ay lumalahok sa isang paligsahan sa Barangay Pulot, Sofronio Española, Palawan nitong nakalipas na Mayo 21, 2022, araw ng Sabado.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Philippine Coast Guard Lieutenant Senior Grade Gretch Mary B. Acuario, Public Information Officer ng Coast Guard District Palawan, sinabi nito na naganap ang insidente dakong alas 4 ng hapon ng Sabado, at kagya’t silang nagsagawa ng imbestigasyon ang CGS- Brooke’s Point.
“Pinasimulan na kaagad ang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard Brooke’s Point para malaman din namin yung ibang side ng story at mapagtanto kung may kasalanan ba talaga yung aming tropa,at kung sakaling mapatunayan na may kasalanan siya [MC Lozada] may [kaukulang parusa] na ilalapat dito,” ayon sa tagapagsalita.
Sa kabila nito, mariing pinabulaanan ng tagapagsalita na nakainum si Lozada nung dumating sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
“Hindi kasama sa gulo ang aming personnel kundi ang mga kapatid nito,” dagdag ni Acuario
Sinabi nito na nagkaroon lamang ng di pagkakaunawaan o misunderstanding ang mga nasangkot sa insidente.
“Sa initial na impormasyon na nakarating sa akin nagkaroon ng misunderstanding, pumasok ang tropa [Lozada] sa loob, masikip yung daan at umaktong hinawi ito, nguni’t hindi intensyon na itulak ang mga tao,” pagtatanggol pa ni Acuario.
Samantala, kasalukuyang nag-uusap sa harap ng mga Barangay Officials ang mga sangkot sa insidente.
Discussion about this post